top of page
Search

Driver na nagkaladkad sa enforcer, tuluyan

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | August 31, 2024


Boses by Ryan Sison

Matapos ang viral traffic incident na nangyari sa Taguig City, naghain na ng reklamo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at pinag-iisipang sampahan ng kasong attempted homicide laban sa isang SUV driver.


Ayon kay MMDA Acting Chairperson Romando Artes, isang two-page complaint ang kanilang ipinadala sa Land Transportation Office (LTO) na humihiling na mabigyan ang naturang driver ng disciplinary sanctions.  


Binigyang-diin ni Artes na ang driver’s license ay isang pribilehiyo lamang, hindi isang karapatan, na ipinagkaloob ng estado, na kung inabuso at maling ginamit ay maaaring masuspinde o bawiin ng estado, sa gayon, ay laging magbubunga ng kaayusan sa pangkalahatang kapakanan ng komunidad.


Batay sa traffic accident investigation report ng Southern Police District, nangyari ang road incident sa Barangay Western Bicutan, Taguig City, noong Martes ng umaga.


Unang nakagitgitan ng SUV driver ang isang motorcycle taxi rider. Napansin naman ng traffic enforcer ang insidente at rumesponde ito, pero hindi pinansin ng SUV driver ang enforcer at sa halip ay umalis ito sa lugar.


Ayon sa enforcer, hinabol niya ito at nagawang harangin ang SUV, kung saan nailagay ang sarili sa harap ng hood ng SUV para mapigilan ang driver na makatakas, gayunman, binangga umano siya nito at kinaladkad ng 500 metro mula sa lugar ng pinangyarihan. 


Sinabi pa enforcer, na nakalayo lang siya sa SUV nang huminto ito dahil sa mabagal na daloy ng trapiko.


Binanggit naman ni Artes na lumutang na ang driver at humingi rin ng paumanhin sa kanila dahil sa pangyayari. Anang driver, ang SUV ay nakarehistro sa kanyang asawa.


Desidido naman ang kanilang traffic enforcer na kasuhan ang driver kahit na makailang ulit itong nakikiusap. Gayundin, inihahanda na ng MMDA ang pagsasampa ng kasong attempted homicide at direct assault laban sa driver.


Tama lang ang naging desisyon ng kinauukulan na tuluyan ang driver na nagkaladkad sa traffic enforcer matapos na takasan nito ang unang nakabanggaang rider.


Kumbaga, patong-patong ang ginawang violation ng driver kaya hindi maaaring ipagwalang-bahala lamang.


Kung hindi kasi parurusahan ang mga ganyang pasaway na driver, siguradong mauulit at mauulit ang naturang insidente sa mga lansangan. Gayundin, lalabas na tila wala nang respeto ang mga ito sa mga enforcer na maayos namang nagpapatupad ng trapiko.


Marahil, dapat na magkaroon ng batas na may mas mabigat na ipapataw na parusa sa mga driver na masasangkot sa ganitong uri ng insidente. Hindi ‘yung babawiin lang ang lisensya o registration ng kanilang sasakyan, para sila ay talagang magtanda.


Huwag na sana nating hintayin na may matinding aksidente o mamamatay bago pa tayo kikilos.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page