top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Drayber na may ‘putok’ at dugyot, dapat umayos para ‘di maparusahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 29, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 29, 2025



Boses by Ryan Sison

Bukod sa kagustuhan ng mga pasahero na sumakay sa mas kumbinyente at maayos na mga public transport, isa rin sa tinitingnan at mahalaga para sa kanila kung kaaya-aya ba ang hitsura at amoy ng drayber ng sasakyan.     


Kaya naman ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigpit na parusa laban sa mga public utility vehicle (PUV) driver na may ‘putok’ at pagiging dugyot o maruming hitsura sa sandaling ireklamo sila ng mga pasahero.


Batay sa Memorandum Circular 2011-2014 ng LTFRB, ang mga marungis, mabaho o may ‘body odor’ na driver ay pamumultahin ng P2,000 sa first offense, P3,000 naman sa second offense, at P5,000 at kanselasyon ng prangkisa ng sasakyan sa third offense. 


Sinabi rin ng kagawaran na maaaring magsampa ng kaso ang mga pasahero laban sa mga ‘dugyot’ na driver, subalit karamihan sa kanila ay mas pinipili na lamang na bumaba ng sasakyan kaysa magreklamo dahil na rin sa abalang idudulot nito.   


Ayon kay LTFRB spokesman Atty. Ariel Inton, hindi sila anti-poor subalit kailangan na maayos ang pananamit at malinis sa katawan ang lahat ng PUV driver, kung saan sila ay mga professional driver’s license holder.


Alinsunod pa sa naturang memorandum, inaatasan ang mga ito na magsuot ng tamang uniporme na blue t-shirt para sa mga jeepney driver, red t-shirt para sa mga taxi driver, green t-shirt para sa UV Express driver, white polo shirt para sa mga driver at konduktor ng pampasaherong bus. Layon ng kautusang ito na mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa mga pampublikong transportasyon.


Gayundin, inihahanda na ng kagawaran ang kanilang programang “Disenteng Driver” upang maitaguyod ang malinis at tamang pananamit, at magandang serbisyo ng mga PUV driver.


Mabuti ang naging desisyon ng kinauukulan na parusahan ang mga drayber na pabaya sa kanilang pangangatawan, at mas pinipiling humawak ng manibela na mabaho o dugyot kaysa maging disente.


Hindi naman siguro matatawag na pakikialam sa mga drayber ang ganitong panuntunan dahil makabubuti ito hindi lang sa kanila kundi pati rin sa mga pasahero. 

Kapag maganda ang mga public transport at presentable ang mga driver, habang safe pa ang kanilang pagbiyahe, siguradong bababa na masaya at matiwasay ang mga pasaherong sakay nito. 


Payo lang natin sa mga PUV driver, maging maayos at disente sana sa tuwing kayo ay bibiyahe nang sa gayon ay walang magreklamong pasahero at hindi naman kayo maparusahan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page