top of page

DPWH Sec. Bonoan at COA Comm. Lipana, dapat mag-resign na, at kung hindi pareho silang ‘walang hiya’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 22, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SINONG MGA KAPWA SENADOR ANG PINASASARINGAN NI SEN. ZUBIRI NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL 'GHOST' PROJECTS? -- Sabi ni Sen. Migz Zubiri na hindi lang daw mga taga-Dept. of Public Works and Highways (DPWH) at mga kontraktor ang dapat imbestigahan sa flood control “ghost” projects, kailangan daw ay isama sa imbestigasyon ang mga senador at kongresistang nagsingit ng flood control projects funds (sa national budget), na aniya ay dapat kasuhan ang lahat ng mga kontraktor, DPWH at mga pulitiko na sangkot sa scam na ito.


Eh ang tanong: Sino kayang mga kapwa senador ang pinatatamaan o pinasasaringan ni Sen. Migz sa statement niyang ito? Abangan!


XXX


‘MAHIYA NAMAN KAYO’ PATUNGKOL NI PBBM SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM, AYAW MAG-RESIGN NI DPWH SEC. BONOAN, KUNG GANU’N ISA SIYANG ‘WALANG HIYA’?! –“Mahiya naman kayo,” sabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at ang pinatutungkulan niya rito ay ‘yung mga nagsabwatan sa flood control project scam, at nang matapos ang SONA ay ibinulgar naman ng Presidente ang top 15 na mga construction firms na nakakopo ng mga flood control project. Kasunod nito ay ang imbestigasyon ng Senado at dito napaamin ng mga senador si DPWH Sec. Manuel Bonoan na maraming flood control "ghost" projects o mga proyektong pangontra sa baha na pinondohan ng DPWH pero hindi raw ginawa.


Matapos aminin ito ni Sec. Bonoan, ang dapat niyang aksyon ay nagpasa na siya ng irrevocable resignation sa Office of the President (OP), pero hindi niya ginawa.

Balikan natin ang sabi ni PBBM sa kanyang SONA na, “Mahiya naman kayo,” at dahil ayaw mag-resign ni Sec. Bonoan, lumalabas na siya pala ay “walang hiya,” boom!


XXX


TAGA-BULGAR LANG ANG PAPEL NI PBBM DAHIL AYAW PANG MAGTATAG NG ‘FACT FINDING COMMISSION’ NA MAG-IIMBESTIGA SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM -- Nakadalawang balik na sa Bulacan si PBBM, una noong Aug. 15, 2025 nang ibulgar niya at ipinakita sa publiko ang substandard o tinipid sa materyales at iniwang nakatenggang flood control project ng St. Timothy Construction Corp. na pag-aari ng mag-asawang Currel at Sarah Discaya sa bayan ng Calumpit, at pangalawa ay nitong Aug. 20, 2025, ibinulgar at ipinakita rin niya sa publiko ang flood control "ghost" project ng SYMC Construction Trading na pag-aari ng isang Sally Nicolas Santos sa bayan ng Baliwag.


Ganyan lang yata ang papel ng Presidente, taga-bulgar ng mga substandard project, proyektong iniwang nakatengga at "ghost" projects, pero wala pang aksyon para sibakin si Sec. Bonoan, wala pa ring pagkilos para magtatag ng “Fact Finding Commission” na mag-iimbestiga sa flood control project scam, tsk!


XXX


MATAPOS MABULGAR NA KONTRAKTOR DIN NG MGA FLOOD CONTROL PROJECT ANG MISIS NI COA COMM. LIPANA, DAPAT ‘FORTHWITH’ O AGAD-AGAD MAG-RESIGN NA SIYA SA PUWESTO -- Ang misis ni Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana na si Marilou Laurio-Lipana, may-ari ng Olympus Mining and Builders Group Philippines Corp. ay nakakopo rin pala ng mga flood control project sa DPWH.


Aba teka, malinaw na conflict of interest 'yan ah! Dapat "forthwith" o agad-agad mag-resign na si Lipana sa COA dahil kung hindi siya magri-resign, tulad din siya ni DPWH Sec. Bonoan na “walang hiya,” period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page