DPWH at Customs, balasahan lang walang bagong mukha
- BULGAR

- 9 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 27, 2026

BALASAHAN SA DPWH AT CUSTOMS WA’ ‘WENTA – Ang balasahang isinagawa ni Sec. Vince Dizon sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kahalintulad ng ginawa ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga opisyal ng Customs. Sa parehong ahensya, nagpalitan lamang ng puwesto ang mga nakatataas—walang bagong mukha mula sa rank and file na may magandang record at walang bahid ng katiwalian.
Ang punto natin: walang saysay ang ganitong balasahan. Imbes na bigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na matagal nang naglilingkod nang tapat, napupuwesto pa rin ang mga may bahid ng katiwalian sa mga sensitibong posisyon. Buset!
XXX
SA FLOOD CONTROL SCAM, KUNG SINO ANG MOST GUILTY, GINAWANG STATE WITNESS, KUNG SINO ANG LEAST GUILTY, IDINIIN SA KASO – Ang mga kasabwat ng mga kurakot na pulitiko sa pang-i-scam sa kaban ng bayan ay ang mga high-ranking officials ng DPWH, kabilang sina dating DPWH Usec. para sa Operations Roberto Bernardo at dating Bulacan District 1 Engr. Henry Alcantara. Tauhan lamang nila sina dating DPWH Bulacan Asst. Engr. Brice Hernandez at DPWH Bulacan Engr. II Jaypee Mendoza, na inuutusan nilang mag-operate at makipagsabwatan sa mga kontraktor sa mga ghost, substandard, at incomplete na flood control projects.
Nang mabulgar ang flood control scandal, tumuga sina Engr. Brice at Engr. Jaypee at ikinanta sina Usec. Bernardo at Engr. Alcantara bilang kasabwat ng mga politiko sa scam. Noong una, todo-tanggi ang dalawang high-ranking officials na ito, ngunit kalaunan ay umamin din sa kanilang mga anomalya, na pinatotohanan ang mga ibinulgar ng kanilang mga tauhan.
Ngayon, nang magsauli sa pamahalaan ng ilan sa perang na-scam, ginawang state witness sina Usec. Bernardo at Engr. Alcantara. Samantalang sina Engr. Brice at Engr. Jaypee—na utusan lamang ng kanilang mga amo—ay madidiin sa mga kasong no bail.
Baligtad na yata ang mundo ng DOJ: ang pinaka-guilty na Usec. Bernardo at Engr. Alcantara ay ginawang state witness at inilusot sa kaso, habang ang mga tauhang utusan lang, sina Engr. Brice at Engr. Jaypee, ay pinaparusahan nang husto. Tsk!
XXX
SA SUNWEST IBINABAYAD NG LANDBANK ANG TUNGKOL SA FLOOD CONTROL PROJECTS, KAYA KASINUNGALINGAN ANG SINABI NI ZALDY CO NA WALA SIYANG PAKINABANG SA FLOOD CONTROL SCAM – Ayon sa tumestigong Land Bank of the Philippines (LBP) official sa Sandiganbayan, ang mga tsekeng nagmula sa DPWH na ibinayad sa mga flood control projects na kalaunan ay napag-alamang mga ghost at substandard, ay nakapangalan sa Sunwest Corporation na pag-aari ng pamilya ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Patunay iyan na isa si Zaldy Co sa pasimuno ng flood control projects scam kaya't kasinungalingan ang sinabi niya nuon na wala siyang pakinabang sa naganap na flood control scandal sa bansa. Period!
XXX
KAILAN IPAPAHULI NINA GOV. YNARES AT COL. GONZALGO ANG MGA MANGRARAKET SA RIZAL PROVINCE? – Patuloy pa rin daw ang operasyon ng jueteng at lotteng nina alyas “Kits” at “Egay” sa Rizal province.
Kailan kaya ipapahuli nina Gov. Nina Ricci Ynares at Police Director Col. Feloteo Gonzalgo ang dalawang mang-raket na ito sa Rizal? Abangan!








Comments