Doble-ingat na naman sa text scam
- BULGAR
- Sep 11, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 11, 2023
Bilang isa sa may akda ng subscriber identity module card (SIM) registration law ay nananawagan tayo sa kinauukulan na ayusin at puliduhin ang pagpapatupad nito dahil sa hindi pa rin maawat ang text scam sa bansa sa kabila ng umiiral na batas.
Hindi naman basta-basta naging batas ang SIM Card Registration Act dahil pinag-aralan ito, pinagdebatehan, hinimay ang mga detalye kaya nakalulungkot na sa kabila ng pag-iral ng batas ay may text scam pa rin dahil lamang sa kakulangan sa implementasyon.
Oktubre 10, 2022 nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para maging isang ganap na batas ang SIM Card Registration Act na ang layunin ay upang maitaas ang accountability sa paggamit ng SIM card at matulungan ang law enforcer na matukoy ang gumagawa ng scam gamit ang telepono.
Napakahalaga ng SIM Card Registration Law dahil layon nitong maiwasan ang krimen tulad ng terrorism, kidnapping, extortion at identity theft na karaniwang nangyayari gamit ang walang pagkikilanlang SIM cards.
Sabagay, simula nang pairalin ang SIM Card Registration Law ay naramdaman naman ang pagtigil ng mundo ng mga scammer dahil sa saglit silang nanahimik ngunit hindi natin akalain na muli na naman silang magbabalik at aktibo sa panloloko.
Ngayon heto at parang bombang sumabog ang anunsyo ng National Telecommunication Commission (NTC) na sa kabuuang 118,908,469 registered SIM sa buong bansa ay umabot na sa kabuuang 45,697 ang natatanggap nilang reklamo na may kaugnayan sa text scam.
Ibig sabihin, tuloy pa rin ang pambibiktima ng mga masasamang loob online at kitang-kita na bagama’t nagkaroon ng pagbagal sa pagtaas ng bagong kaso matapos ang SIM registration ay hindi talaga tuluyang nasugpo ang problema.
Wala namang ulat ang NTC kung ilan talaga sa 45,697 na nagreklamo ang lehitimo, bogus, may naaksiyonan ba o nahuli kaya, ngunit ang mahalaga ay naiparating nila sa publiko na tuloy pa rin ang operasyon ng text scammers sa bansa.
Pero tila mas matindi ang pasabog ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil kinumpirma nila na nagawa nilang magrehistro ng SIM gamit ang pekeng ID na may litrato pa ng unggoy.
Sa pagdinig sa Senado ay pinatotohanan ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lontoc na bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon ay makailang ulit nilang sinubukang magparehistro ng SIM sa iba’t ibang telecommunications companies (telcos).
Gamit umano ang mga pekeng ID card na nilagyan ng litrato ng hayop at iba’t ibang pangalan ay ilang ulit na naging matagumpay ang isinagawa nilang pagpaparehistro ng SIM at tiyak na bago pa ito inanunsyo ay nagawa na ito ng mga scammers.
Nahaharap ngayon sa malaking problema ang mga telcos at ilang ahensya ng pamahalaan na may saklaw upang maging matagumpay ang SIM registration sa bansa dahil tiyak na katakut-takot na paliwanag ang kailangan para mapawi ang pangambang nararanasan na naman ng ating mga kababayan.
Hindi na tayo dapat umabot sa ganitong sitwasyon kung pinag-aaralan lamang nang mabuti ang mga hakbangin tungo sa pagpaparehistro ng SIM card at hindi ‘yung kung kailan marami na ulit ang naging biktima ay tsaka pa gagalaw.
May batas na, ang dapat na lamang ay gamitin at punuan, kumpletuhin at pairalin nang pulido para hindi tayo nalalamangan ng mga text scammers na alam naman nating mas mabilis mag-isip kumpara sa mga biktima.
Pero naaalala ko na bago pa mangyari ang SIM registration ay nagbigay na ng pahayag ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na hindi sapat ang online registration para masugpo ang text scam sa bansa.
Nagbigay sila ng suhestiyon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na kung maaari ay huwag gawing online ang SIM registration bagkus ay gawin itong manu-mano at personal upang walang makapagpalusot.
Ngunit sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay tila nagtengang-kawali ang DICT at hinayaang maisagawa ang online registration ng SIM at umabot nga sa 118,908,469 o mahigit sa 60 porsyento ang kabuuang bilang ng aktibong SIM ang nairehistro ngunit marami ang nagpalusot.
Hindi pa naman huli ang lahat para ayusin at puliduhin ang sistema para maipatupad natin nang maayos ang batas ngunit dapat ay sabayan natin nang pag-iingat at sama-sama nating labanan ang text scam.
Ilan sa mga karaniwang klase ng text scam na hindi na dapat pansinin ay kinabibilangan ng fake job offers, investment opportunities, money rewards, raffle draw winners, freezing ng bank accounts, at phishing links.
Kung dati ay nabiktima ka, mauunawaan ka ng lahat, pero kung ngayon ka pa mabibiktima ay baka mahirapan na ang lahat na maintindihan ka. At sa mga matitigas ang ulo na pinipilit pa ring manloko online — may araw din kayo!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments