top of page

Doble-ingat dapat ngayong panahon ng amihan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 30
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Panahon na naman ng Amihan, malamig na ang simoy ng hangin, ramdam din ng ating mga balat ang ginaw, at kasama sa pag-ihip nito ang mga karaniwang sakit na dumarating nang hindi natin inaasahan, na nagiging banta rin sa ating kalusugan. 

Kaya’t paalala ng Department of Health (DOH) na maghanda, mag-ingat, at ‘wag ipagsawalang bahala ang mga sakit na puwedeng makuha. 


Ayon sa kagawaran, sa ganitong klima, karaniwan na mga sakit na lumalaganap ay trangkaso, sipon, pulmonya, allergic rhinitis, at panunuyo ng balat. Sa sarap damhin ng malamig na hangin, madalas itong magdala ng ubo’t sipon na kalauna’y nauuwi pa sa komplikasyon. Simpleng paalala ng DOH, maghugas palagi ng kamay, manatili sa bahay kapag may sintomas, at palakasin ang resistensya sa pagkain ng prutas at gulay. 


Para naman sa mga madalas bahing nang bahing, payo ng kagawaran ang pagsusuot ng face mask lalo na kung maalikabok ang paligid, dalasan ang paglilinis ng tahanan, at pag-inom ng antihistamine kung kinakailangan. 


Sa mga may atopic dermatitis o eksema, mainam na gumamit ng moisturizer araw-araw, umiwas sa matagal na pagligo at harsh na sabon, at manatiling hydrated. At kung kinakailangan, dumulog agad sa pinakamalapit na health center para sa tamang gabay at lunas. 


Sa panahon ngayon, mas dapat pahalagahan ang mga simpleng paalala. Hindi kailangan ng mamahaling gamot para mapanatili ang kalusugan, minsan, sapat na ang disiplina at malasakit sa sarili. Dahil habang marami ang abala sa Christmas rush at paghahanda sa Pasko, may ilan na tahimik na lumalaban sa trangkaso o pulmonya. 


Bilang mamamayan, may papel tayong dapat gampanan. Hindi kailangang hintayin pang magkasakit bago kumilos. Ang pag-iwas sa karamdaman ay mas magaan kaysa sa pag-inom ng anumang gamot. 


Kung may natutunan tayo sa taun-taong pagdating ng Amihan, ito ay ang aral ng pag-aalaga sa sarili lalo na sa ating kalusugan. 


Ang malamig na panahon ay dapat nagbibigay ng ginhawa, at hindi sakit sa mga tao. Kaya’t habang nilalasap natin ang simoy ng Disyembre, panatilihing malusog ang katawan, malinis ang paligid, at matibay ang resistensya. 

Dahil ang pinakamagandang regalo ngayong taglamig ay hindi bagong jacket o branded na kape, kundi ang kalusugang hindi natitinag kahit gaano kalamig ang panahon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page