top of page

Distribusyon sa mga balota, ‘di sana mahaluan ng pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 23
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 23, 2025



Boses by Ryan Sison

Dahil sa nalalapit na rin ang 2025 election, sinimulan na ang pamamahagi ng mga balota sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nag-start na sila ng deployment ng mga balota at iba pang mga election paraphernalia para sa halalan sa May 12, 2025, kung saan unang gagawin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang malalayong lugar.


Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia, inihanda na nila ang kauna-unahang mga balota na ipapakalat sa Bangsamoro. Aniya, ito ang una dahil kumakatawan sa 3,546 na presinto sa buong Bangsamoro, kabilang ang Special Geographic Area (SGA), na may walong munisipalidad.


Paliwanag pa ni Garcia, istratehiya ng Comelec na iprayoridad ang paghahatid ng mga balota sa malalayong lugar upang matiyak na naka-set na ang lahat bago ang final testing at sealing ng mga balota at ang automated counting machines (ACMs) na magaganap simula Mayo 2 hanggang 8.


Iginiit din ng opisyal na una nilang ipapadala ang mga balota sa malalayo lugar hanggang sa malalapit lamang. Gayundin aniya, ang gagawin sa iba pang election paraphernalia, kung saan dapat ma-distribute nila ang lahat ng balota humigit-kumulang bago matapos ang Abril sa buong bansa.


Ang mga waterproof box na naglalaman ng mga balota ay color-coded para sa Luzon, Visayas, at Mindanao.


Marahil, tama lang na umpisahan na ng poll body ang pag-distribute ng mga balota na gagamitin para sa eleksyon.


Mas maaga, mas mainam upang hindi sila nagkukumahog sa mga dapat gawin at lahat ng mga kakailanganin para halalan habang agad din nilang malalaman o mareresolbahan sakali mang magkaroon ng problema.


Sa kinauukulan, sana ay maging maayos ang pamamahagi ng mga naturang balota, iba pang mga election paraphernalia at hindi sana mahaluan ng anumang pamumulitika.

Paalala lang natin sa mga kababayan, maging matalino sa pagboto at pairalin din ang konsensya sa pagpili ng mga kandidatong iluluklok sa puwesto. Dapat sana ay tapat, handang magserbisyo sa kapwa at bayan at higit sa lahat may takot sa Diyos.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page