top of page

Diskriminasyon sa edad ng aplikante sa trabaho, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 20, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Plano kong magsumite ng aplikasyon bilang sales lady sa isang lokal na department store sa aming bayan. Nakita ko sa internet ang isang anunsyo ng trabaho na nagsasabing naghahanap sila ng mga sales lady na may edad 18 hanggang 25 na taong gulang lamang. Ako ay 26 na taong gulang na. Maaari pa rin ba akong mag-apply kahit lumagpas na ako sa itinakdang limitasyon sa edad? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Aingel



Dear Aingel,


Bilang pagtugon ng Estado sa mandato nito na magbigay ng sapat at pantay na oportunidad ng kabuhayan sa mga mamamayang Pilipino, isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 10911 o mas kilala bilang “Anti-Age Discrimination in Employment Act”. 


Bukod sa malinaw na hangad ng batas, binigyang depinisyon ng R.A. No. 10911 ang mga importanteng aspeto na nakapalibot sa diskriminasyon laban sa edad ng mga aplikante. Ayon sa Seksyon 3(c) ng nasabing batas ang isang aplikante ay:


Section 3. Definition of Terms. - As used in this Act: x x x


(c) Job applicant refers to a person who applies for employment; x x x”


Ang isang job applicant o aplikante ay tumutukoy sa isang tao na naghahanap ng trabaho. Binibigyang-diin ng nasabing batas ang pagbabawal sa diskriminasyon o pagbibigay ng hindi pantay na trato sa mga aplikante dahil lamang sa kanilang edad. Nasasaad sa Seksyon 5(a) na:


“Section 5. Prohibition of Discrimination in Employment on Account of Age –


(a) It shall be unlawful for an employer to:


(1) Print or publish, or cause to be printed or published, in any form of media, including the internet, any notice of advertisement relating to employment suggesting preferences, limitations, specifications, and discrimination based on age; x x x”


Ipinagbabawal ng nasabing batas ang pagbibigay ng limitasyon sa edad ng mga tao na naghahanap ng trabaho. Ipinagbabawal ng batas ang paglimbag o paglalathala sa anumang anyo ng media, kabilang ang internet, ng anumang anunsyo ukol sa trabaho na nagpapahiwatig ng mga kagustuhan, limitasyon, espisipikasyon, o diskriminasyon batay sa edad.


Upang sagutin ang iyong katanungan, ang anunsyo ng department store sa internet na nagsasaad ng limitasyon sa edad ng kanilang hinahanap na empleyado ay maaaring maging labag sa batas kung ito ay mapatutunayang nagdudulot ng diskriminasyon. 


Samakatuwid, puwede ka pa ring magsumite ng iyong aplikasyon dahil ang limitasyon na kanilang ibinigay ay maaaring hindi alinsunod sa batas. Maliban na lamang kung ang mga limitasyon sa edad na kanilang itinakda ay sakop ng mga exemptions na pinahihintulutan ng nasabing batas.


Maaari ring maharap sa kaukulang multa o pagkakakulong ang sinumang mapatunayan na lumabag sa R.A. No. 10911. Ayon sa Seksyon 7 nito:


“Section 7. Penalty. - Any violation of this Act shall be punished with a fine of not less than fifty thousand pesos (P50,000.00) but not more than five hundred thousand pesos (P500,000.00), or imprisonment of not less than three (3) months but not more than two (2) years, or both, at the discretion of the court. If the offense is committed by a corporation, trust, firm, partnership or association or other entity, the penalty shall be imposed upon the guilty officer or officers of such corporation, trust, firm, partnership or association or entity.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page