top of page

Dignidad at propesyon, ‘di dapat ibenta dahil lamang sa pera

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 12 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 24, 2025



Boses by Ryan Sison


Masakit isipin na kapag ang mismong inaasahan nating magtuturo ng integridad sa atin ay siya ring unang lumalapastangan dito.


Sa halagang P10,000, isang guro ang nahuli habang kinukunan ng litrato ang test questionnaire ng Licensure Examination for Teachers (LET) noong Setyembre 21, 2025. 

Ito ay isang pagtataksil sa propesyon at sa tiwalang ibinigay sa kanya. Ang suspek ay isang senior high school teacher at watcher ng nasabing exam.


Ayon sa Professional Regulation Commission-Davao (PRC-11), lumabas sa imbestigasyon na itinago niya ang test paper, at pumasok sa banyo, at doon kinunan ng larawan gamit ang cellphone. Nang walang umamin kung kanino ang cellphone, idinaan ito sa biometric match at tumugma ito sa guro.


Lalong nakadidismaya nang aminin umano nito na ibinenta ang larawan sa isang review center kapalit ng P10,000. Mas masaklap isipin nang inamin niyang nagawa na rin niya ito noong Marso, pero hindi nahuli at nakalusot. 


Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) at PRC, malinaw ang paglabag sa Republic Act of 8981 o PRC Modernization Act, na nagtatakda ng mabigat na parusa sa exam leakage — pagkakakulong, disqualification mula sa pagkuha o supervising examinations, hanggang sa pagpapawalang-bisa o revocation ng kanilang PRC license.


Posible ring maharap sa kasong fraud at falsification sa ilalim ng Revised Penal Code. 

Hindi ito basta simpleng pagkakamali. Ito’y pagyurak sa integridad ng pagsusulit na susi sa hinaharap ng mga gurong nangangarap magturo nang marangal. 


Ang LET ay hindi lamang papel na sasagutan o exam, ito ang salaan kung sino ang karapat-dapat humubog sa mga susunod na henerasyon ng mga mag-aaral. Kapag ito’y dinungisan, ang buong edukasyon ang naapektuhan. Maging halimbawa sana ang kasong ito, at hindi puwedeng palagpasin lang ng simpleng patawad o paghingi ng sorry ang ganitong kasalanan. 


Ang mga guro ay inaasahang magiging ilaw ng lipunan at gabay ng mga mag-aaral at hindi ng katiwalian, kaya nararapat lang na ang PRC, NBI, at iba pang ahensyang kaugnay nito ay hindi lang parusahan ang nasabing indibidwal, kundi busisiin din ang mga review center na nakikipagsabwatan para kumita sa pandaraya.


Kung tutuusin ang edukasyon ay dapat pundasyon ng bansa, kailangang bantayan ito laban sa lahat ng uri ng katiwalian. Hindi maaaring ituring na guro kung nagagawa naman nito ang pandaraya. Isa siyang paalala kung paano tuluyang bumabagsak ang sistema kapag ang dignidad ay naibebenta. 


Sa sinumpaang propesyon, kailangan ng katapatan at kabutihan, dahil ang pagiging guro o mentor ay hindi lamang isang trabaho, kayo ang humuhubog ng mga kabataang nangangarap ng magandang kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page