top of page
SHEET Lisensiya, suspendido, nag-chopper pa-LTO… LACANILAO KAY GEO ONG- MAGING GOOD EXAMPL

‘Di VIP, proud na nagbayad daw… BINI, PUMILA KAHIT SUPER-INIT MAKANOOD LANG NG BTS CONCERT

Writer: BULGAR
BULGAR
13 hours ago
3 min read

ni Vinia VIvar @Frankly | November 24, 2026



FRANKLY  ‘Di VIP, proud na nagbayad daw…  BINI, PUMILA KAHIT SUPER-INIT MAKANOOD LANG NG BTS CONCERT_BINI_ph

Photo: BINI_ph



Hindi pinalampas ng limang miyembro ng BINI ang pagkakataong mapanood nang live ang kanilang K-Pop idols na BTS matapos ang kanilang successful Signals World Tour sa Taipei, Taiwan.


Sina Aiah, Colet, Stacey, Mikha at Sheena ay nagtungo sa Kaohsiung upang saksihan ang much-awaited Arirang concert ng Korean supergroup na BTS. Talagang sinulit ng mga girls ang kanilang concert experience, mula sa soundcheck hanggang sa main show.


Sa panayam ng ABS-CBN, ibinahagi ni Colet ang excitement nila sa panonood, lalo na’t malapit sila sa stage at kitang-kita ang kanilang mga iniidolo.


“Ang saya po ng experience kasi medyo malapit po kami. And kitang-kita mo sila, ang guwapo po nila. Grabe ‘yung experience, respect sa mga fans talaga, lalo na sa Blooms. Grabe ‘yung journey namin, sobrang init ng pila, ang daming tao, sobrang respect talaga,” kuwento ni Colet.


“And we also paid for it,” hirit ni Jhoanna.

Kuwento naman ni Stacey, “Ako ‘yung pinakamalakas ang bunganga ru’n. As in soundcheck pa lang, ‘yung sigaw ko, ang lala. Hanggang Taipei, rinig!”


Sey naman ni Sheena, dream come true para sa kanya na mapanood nang personal ang BTS dahil matagal na raw siyang fan ng boy group.

“Like, Wings era pa lang nila,” sey niya. 


“Naaalala ko lang talaga, s’yempre, (taga) probinsiya ka, tapos natatandaan ko, nagpupunta sila ng Manila. Umiiyak ako kay Mommy nu’n na bilhan n’ya ako ng Gen Ad na ticket.


“Tapos si Mommy, ang hirap nu’n kasi mag-a-absent ako sa school, s’ya mag-a-absent sa work, sa Manila, saan kami mag-stay? Sobrang imposible n’ya at that time.


“So, before, tinanggap ko na lang, so gumagawa na lang ako ng DIY (Do It Yourself) na merch na lang ng BTS,” pagbabalik-tanaw pa niya.


Aniya pa, “Du’n nakapanood kami, ‘di lang sa ‘Pinas, sa Taiwan pa. Grabe, sobrang grateful lang namin.”


Bukod sa pagiging fans, inamin din ng BINI members na malaking inspiration nila ang BTS pagdating sa kanilang music at performances.


Ayon kay Sheena, parang chain reaction ang inspiration na natatanggap nila mula sa sikat na K-Pop boy group at naipapasa naman nila sa kanilang mga supporters na Blooms.


“And super na-inspire kami sa BTS, lalo na ‘ko. Parang food chain s’ya, eh, na-inspire kami sa BTS, kami nakaka-inspire kami ng Blooms. So Blooms, malay n’yo, in five to ten years, K-Pop na rin kayo. Everything is possible talaga!” masayang pahayag niya.


Pag-agree naman ni Stacey, “Parang ‘di lang kami nandu’n to watch, nandu’n din kami kasi gusto naming ma-inspire, gusto naming ma-touch ‘yung hearts namin, at may mas paghugutan pa kami sa mga performances namin.” 





Still on BINI, nakatakda nang ihayag ng Nation’s Girl Group ang kanilang susunod na single sa nalalapit na finale ng reality songwriting competition na BINIverse and Chorus ngayong Miyerkules (Nobyembre 25), na libreng mapapanood sa iWant at iWant YouTube (YT) channel.


Mula sa higit 300 na demo entries mula sa iba’t ibang songwriters sa bansa, apat na lang ang natitira sa final round, kung saan ang magwawagi ay hihirangin bilang pinakabagong single ng P-Pop group.


Matapos ang matagumpay nilang BINI Signals World Tour at makakuha ng kauna-unahang nominasyon sa GRAMMY® Music Awards, handa na ang BINI na ianunsiyo ang winning entry sa pagtatapos ng kompetisyon na nagsimula noong Mayo.


Isa sa mga finalists ang kantang Pahinga nina Caryl Mae Acupanda at Jeralph Sanchez, na ipinahihiwatig ang halaga ng pagpapahinga sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaraanan.


Samantala, pasok din sa finals ang Hilom ni Noreen Ganaban na umiikot naman sa pagiging payapa at panatag sa pagmamahal ng ating minamahal.


Pasok din sa finale ang awiting No Tomorrow nina LouisVint, Audrey Milan, at Marc Angelo Mallari na layong magbigay-inspirasyon sa mga tagapakinig na maging masaya at sulitin ang bawat sandali sa ating buhay.


Hindi rin nagpapahuli ang kantang CTYM (Cry To Your Mother) nina Paris Phoebe at Joel Renker, na hango naman sa mga kumplikadong relasyon.


Mapapanood ang finale ng BINIverse and Chorus ngayong Nobyembre 25, 6 PM sa iWant at iWant YouTube (YT) channel, na susundan naman ng winning song launch at lyric video premiere sa ganap na 7 PM sa BINI YT channel.


Mapapanood din ang early access ng visualizer ng winning song kinabukasan sa ganap na 11 AM, eksklusibo para sa Weverse BLOOM members. Ipapalabas din ito sa BINI YT channel ng 12 NN.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page