top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

'Di raw tatakbo sa mas mataas na posisyon… SEN. BONG, WALA PANG BALAK MAGBABU SA PULITIKA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 18, 2023
  • 2 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 18, 2023




Ngayong August 2023 ay ipinagdiriwang ni Sen. Bong Revilla, Jr. ang kanyang ika-50 anibersaryo sa show business — na sa kabila ng napakaraming pelikulang nagawa ay nananatili pa rin ang kanyang kakisigan at tila hindi tumatanda.


Bukod sa kanyang anibersaryo ay ipagdiriwang din ni Sen. Bong ang kanyang ika-57 kaarawan sa darating na September 25, na kahit abala sa kanyang pagiging senador ay nagagawa pa rin nitong isingit na gumawa ng sitcom.


Sa katunayan ay last episode na sa darating na Linggo (August 20), 7:15 PM, ng top-rating action-comedy series niya na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.


Ayon kay Sen. Bong, abangan daw ang Season 2 na kasalukuyan nang pinaplantsa. Not only that, dahil sa mataas na ratings ng naturang weekly mini-series ay may mga planong gawin na itong araw-araw, ngunit wala pang kumpirmasyon.


Si Sen. Bong ay unang nagkaroon ng exposure sa pelikula noong siya ay 7-anyos lamang nang isama siya sa pelikulang Tiagong Akyat noong 1973 sa ilalim ng Imus Production na pinagbidahan ng kanyang amang si Ramon Revilla, Sr. at ang kaparehang si Aurora Salve.


Nagmarka rin ang role ni Sen. Bong sa pelikulang Bianong Bulag noong 14-anyos siya na pinagbidahan din ng kanyang ama at ni Charito Solis.


Taong 1983 ay inilunsad na si Sen. Bong sa pelikulang Dugong Buhay na pinagsamahan din nila ng kanyang ama sa ilalim ng Lea Production. Isa pa sa mga naging blockbuster movies niya ay ang Boboy Tibayan: Tigre ng Cavite sa ilalim na ng RNB Films hanggang sa magtuluy-tuloy na ang kanyang showbiz career.


Mula rito ay tinanghal nang Titanic Action Star ang aktor. Personal din siyang pinili ng yumaong Fernando Poe, Jr. na gumanap na Panday na isa ring blockbuster movie.


Ilan pa sa mga hindi makakalimutang pelikula na ginawa ni Sen. Bong ay ang Pieta, Ang Ikalawang Aklat; Sa Dibdib ng Sierra Madre; Celeste Gang; Tigre ng Cavite; Beloy Montemayor; Anak ng Supremo; Isa Lang ang Dapat Mabuhay; Bodyguard: Masyong Bagwisa, Jr. at Sgt. Villapando: A.W.O.L..


Kasama rin ang pelikulang Target: Sparrow Unit; Boy Tornado; Anak ng Lupa; Dongalo Massacre; Lost Command; Alega Gang: Public Enemy No. 1 of Cebu; Iyo ang Batas, Akin ang Katarungan; Ang Titser Kong Pogi; Resiklo; Ang Panday; Si Agimat at si Enteng Kabisote; Ang Panday 2 at Si Agimat, si Enteng at si Ako at marami pang iba.


Pinasok din ni Sen. Bong ang telebisyon at napanood siya sa mga programang Idol Ko si Kap, Hokus Pokus, HP: To the Highest Level Na!, Kap's Amazing Stories, Indio, Agimat ng Agila at ang pinakahuli ay ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.


Samantala, kung aktibo pa sa showbiz si Sen. Bong hanggang ngayon, nakikita ba niya ang sarili na magre-retire na sa politics?


“Darating din ‘yan sa buhay natin. Hindi naman pupuwedeng nandiyan ka for life, 'di ba? You just don’t know when. Eh, malakas pa naman tayo at nagagawa pa rin naman natin ang dapat nating gawin,” sey ni Sen. Bong.


Muli ay ipinahayag ng aktor-pulitiko na wala siyang balak tumakbo for a higher position sa susunod na eleksiyon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page