‘Di raw kasi nagpapatalo… ALESSANDRA, NAGIGING BFF ANG MGA ARTISTANG BULLY

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 13, 2026

Photo: IG _msderossi
Sinong mag-aakala na ang isang tulad ni Alessandra de Rossi na kaliwa’t kanan ang napanalunang Best Actress at Best Supporting Actress sa lahat ng award-giving bodies, bukod pa sa mga parangal sa ibang bansa ay biktima ng bullying at rejection?
Kaya pala tinanggap niya ang pelikulang Status: Rejected dahil nasubukan niyang ma-reject ng mismong kasamahan niya sa industriya.
Iisa ang kuwento ng tatlong bida na sina Ruby Ruiz, Beverly Salviejo at Alessandra de Rossi na dumanas ng rejections. Kasama rin sa cast ang aktres-content creator na si Yani Villarosa.
Pero naging katatawanan ang kuwento ng tatlong aktres sa mga karanasan nila dahil ginagawa na lang nila itong biro at challenge sa buhay para pagbutihin ang kanilang craft na kung tutuusin ay minamani na lang nila ang pag-arte.
Sa kuwento ni Alessandra, nasungitan na siya ng mga sikat na artista na nakatrabaho niya sa serye at pelikula.
“Madalas akong mapagtripan. Pero ang ano kasi sa ‘kin, since sanay ako sa bullying, ang ending nagiging close ko sila. Tapos ako na ‘yung pinaka-love nila sa lahat. Pagdating ko sa taping, ako na ‘yung hinahanap nila. Kumbaga sa ano, ‘wag kang magpapatalo sa kanila. Kasi minsan, kaya ka nila pinagtitripan dahil may nakikita sila sa ‘yo.
“Kunwari, sa eksena, ikakasal ako, tapos maglalakad ka sa aisle, then sa rehearsal, niloloko-loko ko ‘yung lakad ko, parang supermodel ka, ganyan.
“Tapos sabi nu’ng artista, ‘Ganyan ka maglalakad mamaya?’ Sabi ko, ‘Hindi, s’yempre, joke lang ‘yun.’
“Sabi n’ya sa ‘kin, ‘You will never be a model. Ako lang ang ipinadala sa Paris.’ May ganu’n!” paglalarawan ng aktres sa naging experience niya.
Pagpapatuloy pa ni Alessandra, “Meron din ‘yung sinabihan ako ng, ‘Ayoko sa ‘yo. Sinabi ko nga sa network na palitan ka na, eh. Pero wala akong magagawa, ang gusto nila, ikaw. Pero ‘di tayo puwedeng pareho ng arte, ha!’”
Nagulat ang entertainment media sa kuwentong ito ng aktres dahil may mga ganitong artista pala talaga na ibig sabihin ay threatened sila kay Alessandra dahil kahit ini-request na palitan siya ay nangyari.
Ano ang sagot niya sa nagsabing hindi sila dapat pareho ng istilo ng pag-arte?
“Pumapatol, pero ‘di pumapatol nang ganu’n. Parang kunyari, sasabihin nila sa ‘kin, ‘Ano’ng baggage mo? Ano’ng baggage mo?’ Pero ‘di ako nagpapasindak, but ‘di ako sumasagot nang ‘di maganda.
“So in the end nga, nagiging kaibigan mo sila kasi napi-feel nila na ‘di ka natatakot sa kanila. So parang wala, sayang lang ‘yung pambu-bully nila sa ‘yo. Ganu’n ‘yun. Dedma. Saka sanay na nga ako sa pambu-bully,” esplika ng aktres.
Gagampanan ng aktres ang karakter na Anna sa Status: Rejected na single mom na ayon sa kanya, “Rejection is a regular Monday for me.”
Umayon naman si Ruby bilang si Virginia ‘Biring’ Divinagracia, isang 69-anyos na biyuda.
“Naku, lalo na rito sa showbiz, it’s something that you have to learn to live with,” sambit nito.
Ang BFF naman ni Biring na si Tessie na ginampanan ni Beverly ay nagsabing “True! Lalo na kung pangit ka, talagang makakarinig ka!”
Going back to Alessandra, marami na siyang natutunan sa industriya.
Aniya, “Natutunan ko about life, psychology, trauma, mga ganyan. Alam mo ‘yung gusto mong may kabatuhan ka, kaya lang ‘pag kinausap mo ‘yung iba, Kardashians ang topic. Ayaw ko na.
“Kahit gaano ka ka-true, may mga tao sa paligid mo na ‘di ‘yun ang intentions. Ako, pure ang intentions ko, so dapat lahat ng maa-attract ko ay pure, ‘di ba?
“Just be true to yourself. Darating ang tamang tao para sa ‘yo. Open your eyes. Once you see a red flag, ‘yun na ‘yun. Tama na ‘yung hope na ‘benefit of the doubt.’”
Anyway, ang Status: Rejected ay debut film ni Vahn Leinard C. Pascual na bukod sa Best Actress na naiuwi ni Ruby Ruiz ay nanalo rin ng NETPAC Award at napiling makipaglaban sa First Feature Competition ng 30th Tallinn Black Nights Film Festival sa Tallinn, Estonia. Produced by Clever Minds at Black Cap Pictures, R-13 ang pelikula ayon sa MTRCB at showing na sa mga sinehan nationwide simula sa November 18, Miyerkules.





Comments