‘Di raw expected na papasok sa 8 movies… YASSI AT PEPE, NO SHOW SA MMFF ANNOUNCEMENT OF ENTRIES

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 14, 2026

Photo: IG _yassipressman & _jose_nikolas_emmanuel
Sure na masaya ang lahat sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2026 dahil tiyak na marami na ang makakapanood ng sine sa darating na Disyembre 25 dahil P299 na lang ang bayad kumpara sa dati na umaabot pa ng P500 sa mga sinehang may libreng popcorn at bottled water.
Ito ang muling ipinaalala ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes sa ginanap na announcement ng 2nd batch of official film entries sa MMFF 2026.
Aniya, “Nagkasundo kami ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines na ang presyo ng tickets sa sinehan ay ‘di dapat lalagpas ng P299.
“Ito po ay during festival period lamang, at ‘yung P299 ay maximum. Puwede pang bumaba, lalo na sa mga probinsiya.”
Kaya optimistic kaming muling makita ang mga malls na may sinehan na marami uling nakapila para mapanood ang 8 entries.
Anyway, inihayag na rin ang apat sa second batch ng 8 entries sa ginanap na announcement ng MMFF Executive Committee nu’ng Lunes nang hapon.
Ang A Perfect Marriage nina Kim Chiu at Paulo Avelino ay mula sa direksiyon ni Dan Villegas at produced ng Quantum Films at WASD Films na pag-aari ni Paulo.
Pasok ang Los Salvajes Bravos na pagbibidahan nina Romnick Sarmenta at Ruru Madrid, produced ng JesCom Films at idinirek ni Paolo Dy.
Unexpected naman para kay Benedict Mique, direktor at writer ng pelikulang Little Hope, na mapapasama ito kaya hindi raw sila dumalo sa nasabing event. Ang pelikula ay pagbibidahan nina Yassi Pressman, Pepe Herrera at ng batang si Cailey Magno. Produced ito ng Lonewolf Productions at ni Yassi mismo.
Malaking challenge kay Zaijian Jaranilla bilang bida sa Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo, CMF dahil sa kanya nakatutok ang kuwento. Kasama niya ang indie actresses na sina Angeli Sanoy at Elora Españo. Isa itong documentary na directed by Rommel Galapia Ruiz.
Samantala, nauna nang inianunsiyo noong Hulyo 7 ang unang apat na official entries sa 52nd MMFF sa kick-off event ng taunang festival sa Greenhills Mall sa San Juan City.
Sa 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films ay starring sina Aga Muhlach, Xia Vigor at Jodi Sta. Maria. Ito ang prequel sa 2019 Filipino adaptation ng hit Korean drama (K-Drama) na Miracle in Cell No. 7.
Itsa-challenge na naman ni Direk Zig Dulay ang sarili sa ikatlong taon ngayong 2026 para sa pelikulang Amir ng GMA Pictures, na pagbibidahan nina Argus Aspiras (Baby Argus), Dennis Trillo, Will Ashley at Glaiza de Castro.
Laging blockbuster ang pelikula ni Direk Zig simula sa Firefly noong 2023, na nasundan ng Green Bones noong 2024, at ngayong 2026, inaasahan ngang kikita rin nang malaki ang Amir. Absent lang siya noong 2025.
Pasok ang Haunted Carnival ng Regal Entertainment, directed by Joey De Guzman, starring Julia Barretto, Fyang Smith, James Reid, John Arcilla at Maricel Soriano, na base sa trailer na ipinakita ay hawig sa US film na Funhouse na ipinalabas noong 1981.
Nandiyan din ang The Greatest Showdown ni Direk Jun Robles-Lana, na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Vic Sotto mula sa APT Entertainment, M-Zet Productions, IdeaFirst Company, Star Cinema at ABS-CBN Studios.
Well, obvious na mahal ang pelikula nina Bossing Vic at Meme Vice dahil sa talent fees (TFs) pa lang nila ay baka abutin na ng kalahati ng total cost ng production kaya siguro maraming producers.





Comments