top of page
Search
  • BULGAR

'Di pa rin tukoy ng CAAP ang sanhi ng magkasunod na pagbagsak ng Cessna plane

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | March 3, 2023



Nagsumite tayo ng resolusyon, PS Reso. No. 513, sa Senado na naglalayong busisiin ang magkasunod na pagbagsak ng sasakyang panghimpapawid na kinasasangkutan ng chartered flights, non-scheduled commercial flights at maging ang mga pilot training schools upang mapalakas ang kasalukuyang aviation protocols na dapat ay sumasabay sa international safety standards.


Sa Republic Act 9497, na mas kilala sa tawag na “Civil Aviation Authority Act of 2008”, nakapaloob ang pagtatatag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na siyang nangangasiwa sa mapagkakatiwalaang panghimpapawid na transport and regulatory services sa bansa.


Sakop nito ang pagbuo ng civil aviation system, promotion, development and regulation of the technical, operational, safety at aviation security function sa ilalim ng civil aviation authority.


Isa tayo sa mga Senador noon na bumuo ng batas na ito, at sa katotohanan, ako pa bilang Chairman ng Senate Committee on Public Services noong 2009 ang bumuo at nag-sponsor ng Committe Report at Resolusyon na naglinaw sa sakop at kapangyarihan ng CAAP sa ilalim ng naturang batas.


Pananagutan ng CAAP na palakasin ang aviation safety na may mandatong gamitin ang 2022-2035 National Aviation Safety Plan (NASP) upang masiguradong ligtas at walang mapapahamak sa pagpapatupad ng national aviation safety strategy.


Nag-ugat ang PSR No. 513 sa nangyari noong Enero 24, 2023 nang isang single-engine, six seater Cessna 206 aircraft na may tail number na RP-C1174 na mula Cauayan Airport sa Isabela na patungong Maconacon Aerodrome na lulan ang anim na pasahero ang biglang naglaho.


Pinaniniwalaang tuluyan nang bumagsak ang naturang eroplano, bagama’t hanggang ngayon ay wala pa ring solidong ulat hinggil dito, ngunit may mga detalye nang ibinato ang Isabela Provincial Incident Monitoring Team.


Noong nakaraang Pebrero 18, 2023, isa na namang Cessna 340 na may tail number RP-C2080 ang umalis ng Bicol International Airport patungong Manila bandang alas-6:43 ng umaga, lulan ang apat na pasahero.


Binabaybay umano ng naturang eroplano ang kahabaan ng Camalig Bypass Road nang biglang nawala sa himpapawid at ilang araw bago natukoy ang bumagsak na eropano sa dalisdis ng Mayon Volcano bago nakumpirma na binawian na ng buhay ang mga sakay nito.


Ang pinakamasaklap sa dalawang insidenteng ito ay ang katotohanang hanggang ngayon ay hindi pa rin tukoy ng awtoridad ang tunay na sanhi kung bakit bumagsak ang naturang eroplano.


Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng CAAP, at isa sa inaalam ngayon ay kung bakit walang blackbox ang mga bumagsak na Cessna plane na isa sana sa pinakamadaling paraan upang matukoy kung ano talaga ang tunay na nangyari.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page