‘Di napatunayang pagkakakilanlan ng akusado, kaso ibinasura
- BULGAR
- 12 hours ago
- 5 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 3, 2025
ISSUE #360
Sa sitwasyon kung saan inabot ng dekada bago maaresto ang isang pinaghihinalaang may-akda ng krimen ng pagpaslang o homicide – sapat na ba ang pagpapatunay ng pagkakakilanlan ng may-akda ng krimen ang tinatawag na stipulation o kasunduan sa pagkakakilanlan ng akusado sa panahon ng pre-trial?
Sa araw na ito, ating silipin ang naging tugon ng hukuman ukol sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.
Sa kasong People v. Millo (Criminal Case No. 01-xx80) noong ika-10 ng Hunyo 2022, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Encarnacion Jaja G. Moya (Regional Trial Court-Branch 146, Makati City), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Jobert, hindi niya tunay na pangalan, at kung paano ang daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang “Gooding,” ay pinal na natuldukan nang siya ay napawalang-sala mula sa kasong pagpatay o homicide.
Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman.
Si Bowie, hindi niya tunay na pangalan, ay tumestigo noong ika-1 ng Abril 2001, bandang alas-11:00 ng gabi, naka-duty siya sa parking area ng Makati Medical Center. Ayon sa kanya, pagkatapos niya gawin ang logbook, nakita niya si Gooding, Chief-in-Charge sa gabi, na papasok sa parking area kasama si Jobert, na isang kasamahan.
Lumapit umano si Bowie sa dalawa na tila nag-aaway at naghahamunan. Sa puntong ito ay hindi marinig ni Bowie ang kanilang pinag-uusapan. Subalit, sinubukan ni Bowie na pigilan ang pagtatalo, ngunit ang dalawa ay hindi nag-abala sa pakikinig kay Bowie.
Nakita naman ni Bowie na lumapit si Jobert kay Gooding na sa puntong iyon ay bumunot ng baril, at itinutok kay Jobert.
Ikinuwento ni Bowie na binaril ni Gooding si Jobert na tumakbo patungong barracks. Sa puntong ito, hinabol ni Gooding ang sugatang si Jobert. Hindi na hinabol pa ni Bowie ang dalawa, sa halip ay tumakbo siya sa gilid. Nang pumasok si Gooding sa kuwartel, narinig ni Bowie ang tatlong putok ng baril.
Nakita ni Bowie na umalis si Gooding sa barracks at tumakbo patungo sa direksyon ng ospital. Nalaman na lamang ni Bowie ang pagkamatay ni Jobert noong sumunod na araw.
Nang tanungin si Bowie sa open court o hukuman na naglilitis kung maaari niyang tukuyin ang akusado mula sa isang line-up ng mga tao, sinabi ni Bowie na hindi na niya matukoy ang akusado kung isasaalang-alang na ang mga pangyayari ay naganap isang dekada na ang nakakaraan, at ang salarin ay walang anumang mga marka ng pagkakakilanlan.
Dagdag pa, nang tanungin ng hukuman noong panahon ng paglilitis, nilinaw ni Bowie na bukod kay Gooding ay meron pang isang tao na nasa loob ng barracks bago pa pumasok sina Gooding at Jobert dito. Aniya, ang taong ito ay si Paloma, na matapos aniya niyang marinig ang ika-apat na putok ay nakita niyang lumabas din mula sa barracks, na sinundan ni Gooding.
Sa memorandum ng depensa, ikinatuwiran ng akusado na ang kabiguan ng pangunahing testigo ng tagausig na positibong kilalanin ang akusado ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala sa akusado. Alinsunod dito, aniya ay walang paghatol sa akusado kapag walang patunay ng pagkakakilanlan sa kanya na lampas sa makatuwirang pagdududa. Bagaman meron diumanong stipulation o kasunduan sa pagkakakilanlan ng akusado sa panahon ng pre-trial, ito ay tumutukoy lamang sa patunay na siya ang akusado na kasalukuyang nililitis at hindi ito pag-amin o kasunduan sa akusado bilang may-akda ng krimen.
Matapos ang paglilitis, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Margie M. Consulta, mula sa aming PAO-Makati City, District Office, pinal na natuldukan ang daing ni Gooding, kaugnay sa nasabing kaso nang siya ay ipawalang-sala ng hukuman.
Ayon sa hukuman, pagkatapos suriin ang testimonya pati na ang dokumentaryong ebidensya na isinumite, ang hukuman ay nagdesisyon pabor sa akusadong si Gooding.
Gamit ang desisyon sa kaso ng People v. Caliso (G.R. No. 183830, Oktubre 19, 2011, sa panulat ni dating Mahistrado na naging Kagalang-galang na Punong Mahistrado at ngayon ay Executive Secretary Lucas P. Bersamin), ibinahagi ng hukuman na nagkaroon ng pagkakataon ang Korte Suprema na talakayin ang kahalagahan ng isang positibong pagkakakilanlan, na sinasabi:
“Sa katotohanan, ang isang matagumpay na pag-uusig ng isang kriminal na aksyon ay higit na nakasalalay sa patunay ng dalawang bagay: ang pagkakakilanlan ng may-akda ng krimen, at ang kanyang aktuwal na paggawa. Ang isang sapat na patunay na ang isang krimen ay nagawa ay walang silbi kung sa pag-uusig ay hindi makakakumbinsi na patunayan ang pagkakakilanlan ng nagkasala.”
Sa kasong ito ni Gooding, walang positibong pagkakakilanlan sa akusado, sa kabila ng pagkakataon tulad noong paglilitis o sa open court ng pangunahing saksi ng tagausig na kilalanin ang akusado.
Iginiit ng tagausig na hindi kailangan ang isang positibong pagkakakilanlan sa kondisyon na walang duda sa pagkakakilanlan ng akusado alinsunod aniya sa isang kaso ng Korte Suprema na People vs Quezada. Bagama't sumasang-ayon ang hukuman sa nasabing jurisprudence o desisyon na binanggit ng tagausig, aniya hindi maaaring sumang-ayon ang hukuman, batay sa ipinakitang ebidensya, kinuhang testimonya, at mga pangyayari na nakapalibot sa kaso, na ang pagkakakilanlan ng akusado ay naitatag nang walang makatuwirang pagdududa.
Para isalaysay ang mga pangyayari sa kasong ito, ang impormasyon ay inihain sa Tanggapan ng Tagausig noong unang bahagi ng taong 2001, laban sa isang nagngangalang Gooding, para sa diumano'y pagkamatay ng isang Jobert. Subalit, dahil hindi naaresto ang pinaghihinalaan, ang kaso ay na-archive noong taong 2003. Sa panahong ito, dahil ang katunayan na ang akusado ay hindi kailanman naaresto, walang larawan ang nasabing akusado. Noong 2021, isang Gooding ang naaresto sa Tarlac. Isang yugto ng dalawampung taon ang lumipas mula noon hanggang ngayon, bago umusad ang paglilitis ng kaso. Sa panahon ng pre-trial, ang mga partido ay itinakda ang pagkakakilanlan ng akusado.
Hinggil sa mga nabanggit, ayon sa hukuman ay walang kahalagahan na gumawa ng takda ang mga partido tungkol sa pagkakakilanlan ng akusado noong pre-trial. Idinagdag ng hukuman na ang itinatakdang ito ay nauukol lamang sa katotohanan na siya ay isang taong nagngangalang Gooding, na kasalukuyang kinasuhan ng pagkamatay ni Jobert. Binigyang-diin ng hukuman na kailangan pa ring patunayan ng tagausig nang lampas sa makatuwirang pagdududa, na ang akusado nga ang may kagagawan ng krimen na kinasuhan.
Gayunpaman, sa pagpapasya ng hukuman, sinabi nito na nabigo ang tagausig na magsumite ng anumang ebidensya o testimonya na magpapakita na ang akusado sa kasong ito na pinangalanang Gooding ay ang parehong Gooding na bumaril sa biktimang si Jobert mga dalawampung taon na ang nakararaan. Ito ay sa kadahilanan na walang mga larawang nakunan ang akusado noong 2001 na isinumite bilang ebidensya, kung saan matutukoy ng korte na ang taong kinasuhan ilang taon na ang nakararaan ay ang parehong taong inaresto, at ang parehong tao na nakita ng testigo ng tagausig sa parking place na binaril ang biktima. Ang tanging paraan upang malaman na ang akusado ay ang taong bumaril kay Jobert ay sa pamamagitan ng positibong pagkakakilanlan ng testigo ng tagausig. Gayunpaman, nabigo ang testigo ng tagausig na gawin ito sa open court.
Kung wala ang positibong pagkakakilanlan ng pangunahing saksi ng tagausig, imposible na ngayon, dahil sa mga kalagayan ng kasong ito, na idiin ang krimen kay Gooding, ang taong inaresto at nilitis. Dahil dito, ang pagpapawalang-sala sa akusado batay sa makatuwirang pagdududa ay kinakailangan sa kasong ito.
Muli, bagama't ikinalulungkot natin ang malagim na sinapit ni Jobert, ang hustisya ay kailangang manatiling makatarungan at tiyak. Hindi ito dapat makamit sa pagbibigay kaparusahan sa mga hindi napatunayang nagkasala nang higit sa makatuwirang pagdududa tulad ni Gooding.
Sa pagkamatay ni Jobert, at sa pagkakaabsuwelto kay Gooding – muling pinatotohanan ng hukuman na ang parehong tinig ng biktima at inaakusahan ay dapat marinig.
Natuldukan na ang daing ni Gooding, habang sa bahagi naman ni Jobert, nawa’y patuloy na dinggin ng Lady Justice ang kanyang sigaw mula sa kabilang buhay.
Hangad nating maiharap sa hukuman at mapanagot ang tunay na salarin.
Comments