top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

'Di na raw gagaling… GIGI, SINISISI ANG SARILI SA STAGE 4 CANCER NG MADIR

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 17, 2023
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 17, 2023



Inamin ng mang-aawit na si Gigi de Lana na hindi siya nagpadala noon sa hospital nang mawalan siya ng lakas sa stage habang kumakanta dahil inisip niya ang gastos kaya’t nagpadala na lang siya sa hotel room at doon nagpasaksak ng dextrose.


Sa unang pagkakataon ay nagkuwento si Gigi sa vlog ni Luis Manzano ng nangyari sa kanya noong naaksidente siya habang bumibiyahe kasama ang GG Vibes Band patungong La Union para mag-show mula sa Baler, Quezon.


Pero kahit na may nangyari na ay itinuloy pa rin ng grupo ang show dahil, “Inisip ko pa rin talaga ‘yung performance. Inisip ko ‘yung performance, ‘yung mga tao na naghintay, ‘yung tinravel namin, sayang (at) siyempre, ‘yung bayad (sa kanila).”


Naloka si Luis sa katwirang ito ng dalaga dahil may mga pasa na sa braso ay itinuloy pa rin ang pagsampa sa entablado.


“Inisip ko kasi na sayang ‘yung event at kaya kong kumanta which is ganu’n ang iniisip ko,” diin ni Gigi kay Luis.


Ano nga ba ang naramdaman ni Gigi habang kumakanta siya sa entablado at biglang dumukdok sa stand ng mikropono?


“Puwedeng pakuwento lang nu’ng moment na ‘yun?” sambit ni Luis.


“Before pa po ako umakyat ng stage nu’n, nanghihina na ako pero sabi ko, ‘Ngayon pa ba ako aatras, nandito na kami?’ So, itinuloy ko po. Nu’ng pag-akyat ko sa stage, akala ko, okay, eh, kasi adrenalin at nandiyan sila (mga taong nanonood). And then, nu’ng bigla akong kumanta kasi ‘yung voice natin, hindi lang naman basta kanta, eh, ginagamit ‘yung buong katawan mo para mailabas ‘yung proper note, tapos doon ko na-feel na parang umakyat from here (sa mga daliri) ‘yung pain, umakyat hanggang ulo.


“Akala ko, masakit lang ang ulo ko o pagod lang dahil sa shock na nangyari du’n sa car accident pero iba po, parang lumamig (sa batok), tapos nawawalan ka ng pandinig na para kang mahihimatay pero pinigilan ko po,” balik-tanaw ng mang-aawit.


Tanong ni Luis, “Nu’ng bumagsak na ‘yung ulo mo, were you still conscious?”


“Napi-feel ko na naninigas ‘tong (muwestra) both hands,” kaswal na sabi ni Gigi.


Pinuri ni Luis sina Gigi dahil kahit may nangyaring hindi maganda ay itinuloy ang show kumpara sa iba na may singaw lang ay ipinapa-cancel na ang show kahit pagsasayaw naman ang gagawin nila.


“Saan ka dinala nu’ng nag-pass out ka sa stage?” tanong ulit ni Luis kay Gigi.


“Dapat po, dadalhin nila ako sa ospital, ayaw ko (tindi ng iling). Inisip ko po kasi ‘yung gagastusin, hahaha!” natawang sabi ng mang-aawit na ikinatawa rin ng TV host-content creator.


“Kasi po after nila akong ibaba (from the stage), nag-calm down naman po, eh. Tapos, kinansel na ‘yung show, baka kung ano pa ang mangyari.


“Nagpa-dextrose na lang po ako sa hotel/resort na pinag-stay-an namin para kumalma ‘yung ano (pakiramdam) ko,” pagtatapat ni Gigi.


Inamin talaga ni Gigi na kahit masama ang pakiramdam niya at nagkaroon na siya ng problema sa throat ay hindi niya sinunod ang payo ng doktor dahil kailangan niyang kumita para sa mommy niyang may stage 4 cancer.


“Actually, to be honest, Kuya (Luis), hindi na siya gagaling. Ang ginagawa na lang namin is prolong. So, I’m doing the best I can na kumita ng money for her para kung anuman ‘yung need sa kanya, maibibigay ko,” nangingilid ang luhang kuwento ni Gigi.


Ipinagtapat naman daw ni Gigi sa ina na hindi muna siya makakakanta dahil sa kalagayan niya.

“Actually, nasaktan ako nu’ng sinabi ko sa kanya, kasi ako lang ‘yung pinagkukuhanan (lakas) niya, ako lang ‘yung nandoon para tumulong,” sabi pa ng dalaga.


Tanong ni Luis, “Did she give you a tight hug?”


“Hindi niya kaya, mahina siya, Kuya. Saka nu’ng time na ‘yun, hindi ako nagpakita, hindi ko kayang humarap sa kanya na ganu’n (hitsura) ako na mahina,” saad ni Gigi.


Inamin din ni Gigi na lahat ng hindi magandang nangyari sa kanya ay kasalanan niya — naaksidente siya, na-scam at pati ang pagkakasakit ng ina ay isinisisi rin niya sa sarili.


“Kasi baka ako ‘yung reason kung bakit siya na-stress, kung bakit siya nagkasakit. Kasi ang uri ng breast cancer niya is stress. So, inisip ko, baka ako, kasi ako lang ang anak niya, eh,”

emosyonal na kuwento ng dalaga kaya pinabigyan ito ni Luis ng tissue.


Walang ibang katuwang si Gigi pagdating sa financial para sa ina, pero nandoon ang tiyahin na kapatid ng ina para suportahan sila.






Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page