top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

‘Di na nakakapag-aral, inaabuso pa… Tuldukan ang child labor sa bansa, now na!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 8, 2021
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 08, 2021



Halos dalawang taon na tayong nakikipagdigmaan laban sa COVID-19 at kahit paano ay kinakitaan na ang pagsisikap ng pamahalaan na maibsan kung hindi man tuluyang humupa ang pandemyang nagpatigil sandali sa ating kabuhayan.


Ngayong paparating na Pasko ay kitang-kita naman na tila nakawala sa kural ang marami nating kababayan na dagsa na sa mga pamilihan bilang paghahanda sa selebrasyong hindi naisagawa noong nakaraang taon.


Ngunit hindi talaga buong-buo ang kasiyahang puwede nating isagawa sa panahong ito ng Kapaskuhan dahil hindi pa man din tayo lubusang nakakaraos sa pandemya ay nand’yan na naman ang panibagong banta ng bagong variant ng COVID-9 na Omicron.


Ganyan tayo kinain ng sitwasyon sa pagharap sa pandemyang ito at maging ang pamahalaan ay tila bahagyang nakaligtaan o sadyang isinaisantabi na pansamantala ang pagtugon sa child labor sa bansa na isa sa mga dapat tugunan sa mas maagang panahon.


Dahil sa pandemyang ito ay nagbalik sa zero ang lahat ng mga pagsisikap ng national at local government, non-governmental organizations (NGOs) at mga komunidad sa pagsugpo sa umiiral na child labor sa bansa.


Target sana ng pamahalaan na sa pagsapit ng 2022 ay naialis na sa child labor ang mahigit sa dalawang milyong child laborer, partikular ang mga nasa delikadong pagtatrabaho, ngunit bigo tayong maisakatuparan ang lahat dahil sa lumala ang kahirapan sa panahon ng pandemya.


Ang mga batang nagtatrabaho sa murang edad sa Pilipinas ay kabilang sa 160 milyong kabataan sa buong mundo na naoobligang magtrabaho kahit delikado sa kanilang buhay na unti-unti na sanang nababawasan, ngunit muling tumaas ang bilang dahil sa pandemya.


Ang masakit pa sa katotohanang ito ay tila hindi na rin matukoy ng pamahalaan ang tunay na bilang ng mga batang naoobligang magtrabaho kahit laban sa kanilang kalooban at hindi na sila naaabot ng serbisyo ng pamahalaan.


Base sa isinagawang survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noon pang 2011 ay nasa 2.1 milyon na ang mga batang nakasadlak sa child labor, ngunit sa pinakahuling tala nitong nadaang linggo ay nasa 3.3 milyon na ang mga batang nagtatrabaho sa edad na 5 hanggang 17.


At dahil sa pandemya, tila gumuho ang pagsisikap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pagbaba na sana ng bilang ng mga batang naisalba sa pagtatrabaho sa halip na mamuhay ng maligaya bilang bata.


Sinimulan na ng DSWD ang pagtunton sa mga batang trabahador at natukoy na hindi lang basta ordinaryong trabaho ang kanilang ginagawa dahil bukod sa delikado sa kanilang kalusugan ay nakataya pa ang kanilang buhay kapalit ng kinikita nilang barya.


Maraming bata na sa kanilang edad ay nagbubuhat na ng troso pababa ng kabundukan galing sa mga logger at milya-milya ang kanilang nilalakad habang buhat-buhat ang mga tinabas na punongkahoy at binabayaran lamang sila sa bawat troso na kanilang maibababa sa kabundukan.


Wala naman tayong opisyal na talaan kung ilang bata na ang gumulong pababa ng bundok kasama ang buhat na kahoy at ilan na rin ang dinala sa ospital dahil nabalian ng buto dahil naaksidenteng dumausdos pababa habang tinatahak ang maputik na kabundukan.


May mga batang ring naabuso sa mga minahan, partikular sa Lalawigan ng Camarines Norte na kilala bilang may pinakamalaking pinagkukunan ng ginto sa buong bansa dahil sa kabi-kabilang operasyon ng small-scale gold mining.


Ganito rin kalala hanggang ngayon ang sitwasyon sa bulubunduking bahagi ng Gumaus sa bayan ng Paracale sa nabanggit na lalawigan dahil maraming bata ang gumagawa ng delikadong trabaho sa pagkuha ng ginto.


Walang pakialam ang mga negosyante sa lugar na ito basta magkamal lamang ng salapi at kapansin-pansing sa dami na ng operasyon ng small-scale gold mining ay butas-butas na ang kabundukang lubhang napakadelikado sakaling may dumating na lindol sa naturang lugar.


Kung sa showbiz nga na may pagkakataong ginagamit sa entertainment ang mga bata ay katakut-takot na permiso ang kailangan para lamang makakanta, makasayaw o makaarte ang isang bata, pero sa mga minahan ay hindi lang basta pinagtatrabaho dahil inaabuso pa.


Bukod sa pinapapasok ang mga bata sa maliliit na hukay ay pinasisisid pa ang mga ito sa may 40 feet na magkahalong tubig at putik na may nakasubo lamang hose mula sa compressor para makahinga at kapag natanggal ang hose ay siguradong patay ang bata.


Mataas din ang ulat ng child labor sa Central Luzon, lalo na sa Bicol Region na may pinakamaraming ulat, Northern Mindanao, CALABARZON, Western Visayas at marami pang lugar sa bansa na kahit mga batang babae ay napapasabak sa maagang pagtatrabaho.


Tila tumutugma ito sa ulat ng Department of Education (DepEd) na mahigit sa 3 milyong mag-aaral ang hindi nag-enroll ngayong 2020-2021 school year dahil sa pandemya at dahil sa kawalan ng internet access ay maraming bata ang isinasailalim na lamang sa modular learning.


Hindi pa naman huli ang lahat, dahil ngayong medyo nakakahinga-hinga na tayo ng bahagya ay dapat na muling magtakda ng target ang DSWD na matigil na ang child labor sa bansa dahil nagawa na natin ito minsan at magagawa nating muli.


Dati ang kasabihan, ang kabataan ang pag-asa ng bayan, pero ngayon — ang batang masipag ay palaging pagod!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page