‘Di lang mga muscles… PAGKANTA NI SUNSHINE, APEKTADO NA RIN NG SAKIT
- BULGAR

- Aug 9
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | August 9, 2026

Photo: IG _sunshinecruz8
Nagpakatotoo si Sunshine Cruz tungkol sa patuloy niyang pakikipaglaban sa Myasthenia Gravis (MG), isang autoimmune neuromuscular disorder na nagdudulot ng panghihina ng mga boluntaryong kalamnan.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Sunshine na malaki ang naging epekto ng kondisyon sa kanyang katawan at pang-araw-araw na gawain.
Aniya sa kanyang Instagram (IG) Stories, “I’m currently lifting 3-4 times a week and feeling better than I have in a long time. Myasthenia Gravis still presents its hurdles impacting my eyes, neck, breathing and even taking away my ability to sing but I choose gratitude. Having the physical strength to maintain my routine and function every day is a huge blessing.”
Sa kabila ng mga limitasyong dulot ng kanyang kondisyon, pinipili pa rin niyang maging positibo at magpasalamat sa mga bagay na kaya niyang gawin.
Nang tanungin naman kung ano ang nagsisilbing inspirasyon niya sa mga panahong ito, simple lang ang naging sagot ng aktres, pero ito ay makahulugan — ang kanyang mga anak.
Sinabi ng aktres na sinisikap niyang maging pinakamahusay na bersiyon ng kanyang sarili para sa kanyang pamilya, na siyang nagbibigay sa kanya ng lakas at inspirasyon.
Nakatanggap naman ng maraming suporta, panalangin at encouragement mula sa kanyang mga tagahanga si Sunshine matapos niyang ibahagi ang kanyang karanasan.
Para sa kaalaman ng lahat, ang Myasthenia Gravis ay maaaring magdulot ng muscle weakness na nagbabagu-bago sa bawat tao. Bagama’t sinabi ni Sunshine na nakatutulong sa kanya ang kanyang fitness routine, hindi ito nangangahulugang ang ganitong exercise regimen ay angkop para sa lahat ng may MG.
ISA sa mga special guests ni Angeline Quinto para sa kanyang AQuinse concert sa August 22 na gaganapin sa Araneta Coliseum ay si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid.
Kinumpirma na ito ng Star Music kamakailan.
Sey nila, “Mas lalong naging kapana-panabik ang espesyal na selebrasyon ng anibersaryo na ito, dahil ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid ay kasali na sa line-up ng guest performer!”
Ang show ay ang pagdiriwang ng ika-15 taon ni Angeline sa showbiz industry.
Bukod kay Regine, nauna nang inanunsiyo na sina Martin Nievera, Enchong Dee, Erik Santos, Baby Dolls, at marami pang iba ay kasama sa concert bilang mga special guests.
Ang singer at tinaguriang Reyna ng mga Teleserye Theme Songs ay nauna nang nagsabi na nasasabik siyang gumawa ng mas marami pang kanta at konsiyerto ngayong taon.
Sinimulan ni Angeline ang kanyang professional music career noong 2011 matapos manalo sa reality singing competition na Star Power (SP).
Ani Angeline sa kanyang Instagram (IG) Stories: “Ang concert na ito ay hindi lang pagdiriwang ng aking journey, kundi pasasalamat sa bawat taong naniwala, sabay na umawit at nagmahal sa akin sa loob ng 15 taon.
“15 years later—at patuloy pa rin akong nangangarap, umaawit at nagmamahal kasama kayo. Maraming salamat sa paglalakbay na ito.”
Tamang-tama rin para sa 15th anniversary ng singer ang pagkakaroon niya ng talk show, ang The Angeline Quinto Show.
Isa itong celebrity talk show na may halong kantahan, kuwentuhan, at mga espesyal na panauhin.
Ayon sa mga teaser, kabilang sa mga unang guests sina Erik Santos at Vice Ganda.
Tiyak na riot ito, knowing Angge, napaka-bubbly nitong tao.





Comments