top of page
Search
  • BULGAR

DFA Sec. Locsin at DND Sec. Lorenzana, pumalag sa pambu-bully ng China

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 1, 2020


Nakakapanibago ang naririnig natin mula sa mga opisyal ng gobyerno na alam nating sumusunod sa yapak ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag China ang pinag-uusapan.

Binatikos ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pahayag ng China na itigil na ng Pilipnas ang mga ilegal na panghahamon sa kanila.


Ito ay matapos lumipad ng ating mga eroplano sa Panatag Shoal. Iginiit ni Sec. Lorenzana, na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) ang Panatag Shoal kaya may karapatan tayo. Ang China ang dapat tumigil sa pagbanta sa ating mga piloto dahil sila ang wala sa lugar sa pag-aangkin sa ating teritoryo.


Samantala, nagsampa na rin ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China dahil sa pagkumpiska ng kagamitang pangisda ng ating mga kababayan noong Mayo. Hindi pa natin alam kung ibinalik na ang mga ito. Matagal na nating binabanggit ang patuloy na pagbanta ng China sa ating mga piloto, maging sa militar o sibilyan na eroplano.


Hindi rin pumayag si DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., na maglagay ng tauhan ang Philippine Coast Guard sa Beijing dahil tila ibinibigay na ang soberanya ng karagatan sa China. Nais din ni Locsin na ipagbawal ang mga kumpanyang gumawa ng mga artipisyal na isla sa WPS na gumawa ng mga proyekto sa Pilipinas. Ang proyektong palakihin ang paliparan sa Sangley Point sa Cavite ay pinangungunhan ng isang kumpanya na ipinagbawal ng Amerika dahil sa nagbanggit na dahilan.


Bakit nga naman sila pa ang gagawa ng paliparan kung umaalma na tayo sa mga nilikhang isla sa karagatan? Sa tingin natin, hindi kakanselahin ni Pangulong Duterte ang kontrata sa China Communications Construction Co. sa kabila ng hiling ni Sec. Locsin.

Panahon na para palagan ang mga walang batayang pag-aangkin ng China sa ating teritoryo. Marami na silang nalikhang isla na maliwanag na para sa militar. May mga sundalo pa tayo sa Ayungin Shoal na nangangailangan ng mga supply na kadalasan ay hinaharang o ginugulo ng Chinese Coast Guard.


Gawing madalas na ang paglipad sa Panatag Shoal at iba pang lugar na nasa loob ng ating EEZ. Hindi lang naman tayo ang tumutulak sa China ngayon, kundi ang matagal na nating kaalyadong mga Amerikano, kahit tila ayaw ng Pangulo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page