Desisyon, ilalabas sa Hulyo — DOLE... P1,200 minimum wage sa NCR
- BULGAR

- 4 days ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 2, 2026

Photo: File / DOLE
Inaasahang ilalabas sa Hulyo ang desisyon kaugnay sa mga petisyong humihiling ng P1,200 na daily minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay DOLE spokesperson at Assistant Secretary Lennard Serrano, nakatanggap na ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-National Capital Region (NCR) ng 16 na ganitong petisyon hanggang ngayong linggo.
Ang pinakahuling petisyon ay inihain noong Miyerkules ng Business Process Outsourcing Industry Employees Network Philippines (BIEN) Philippines.
Ayon sa opisyal, ang mga petisyon hinggil sa sahod sa NCR ay humihiling din ng exemption mula sa 12-month “uninterrupted” wage cycle, dahil sa epekto sa ekonomiya sa nangyaring sigalot sa Middle East.
Binigyang-diin niya na natapos na ang wage cycle para sa taong 2025-2026 at kasalukuyan nang naghahanda ang mga regional wage boards para sa cycle ng 2026-2027.
“Let’s see how they (the NCR wage board) will treat the petition (as being) urgent and based on reasonable grounds,” dagdag pa ni Serrano kung saan isinama ang naturang usapin sa pag-aaral para sa susunod na pag-iisyu ng board na inaasahang ilalabas sa Hulyo 18.
Samantala, tumaas ang unemployment rate sa Pilipinas sa pagpasok ng taon.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 5.8% ang unemployment rate. Katumbas ito ng 2.96 million na walang trabaho mula January 2026.
Sa Bicol Region naitala ang pinakamataas na unemployment rate (8.2%).
Marami ang nawalan ng trabaho sa agricultural sector. Dumami naman ang may trabaho sa administrative and support services at public administration and defense.




Comments