top of page

Demokrasya: Bantayan, ipaglaban, ipagdasal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 5 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 20, 2025



Fr. Robert Reyes


Katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan tungo sa kabanalan at kaligtasan ng bawat tao, bawat anak ng Diyos. Ito ang hindi simple at ‘di madaling mithiin ng bawat simbahan. 


Anumang paglihis sa katotohanan at pagtulak ng anumang hugis at uri ng kasinungalingan ay hinding-hindi naaayon sa batas at kalooban ng Diyos. Anumang pananakit, pang-aabuso, pananamantala sa kapwa ay taliwas sa katarungan na siya ring ipinagtatanggol ng simbahan. Anong simbahan naman ang nagnanais ng hidwaan, gulo o giyera? Kapayapaan ang pangunahing nais ng simbahan. Anong simbahan naman ang magtuturo na maglulubog kaninuman sa kaalipinan? Nais ng simbahan ang lubos na paglaya ng lahat. Paglaya sa kahinaan tulad ng kamangmangan, gutom, kawalan ng trabaho, pagtatalo, hidwaan at pagkakahiwa-hiwalay.


Kailangan natin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas o ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Sila ang una at huling tagapagtanggol ng ating soberanya at kalayaan. Subalit hindi laging ligtas sa panghihimasok ng pulitika ang ating AFP. 


Sa nakaraang mahigit na limang dekada, nagamit, ginagamit at patuloy na ginagamit ang AFP para sa mga lantaran o tagong “political agenda” ng mga administrasyon. Tahimik at tila walang pakialam ang AFP noong nakaraang administrasyon. Ang laging nasa balita ay ang ating kapulisan, ang Philippine National Police (PNP). 


Nakatutok sa kriminalidad ang PNP, ngunit hindi sa iba’t ibang krimen, kundi sa paggamit at pagtutulak ng droga. Higit sa AFP, nagamit nang husto ang kapulisan sa pagpapatupad ng war on drugs ng nakaraang administrasyon. Ito ang ipinatupad ng noo’y Gen. Bato dela Rosa sa kanyang “Oplan Double Barrel” o ang “Tokhang”, sa ilalim ng administrasyong Duterte.


Marami ang naging biktima ng programang ito at halos lahat ng mga pinagbintangang sangkot sa droga ay madaling nahatulan at naparusahan basta’t “nanlaban.” Nanlaban ba talaga o kumbinyenteng Standard Operating Procedure (SOP) na sagot ito ng ilang kapulisan?


Iba sa kasalukuyang administrasyon. Awa ng Diyos, tumigil na ang war on drugs. Wala ng nakikitang mga cardboard na taglay ang mensaheng, “nanlaban.” Nagsimula na rin ang pagtutuwid ng reputasyon, ng pangalan ng kapulisan. 


Salamat kay ex-PNP Chief General Nicolas Torre sa kanyang kagitingan, dangal at tatag sa paghuli sa malalaking personalidad mula kay Pastor Apollo Quiboloy hanggang kay FPRRD. Salamat at ang pawang mahirap ay nagmistulang madali, ang imposible ay posible pala. 


Unti-unting naibalik ang dangal ng kapulisan na tila inagaw at inilubog sa putik ng kriminalidad noong nakaraang administrasyon. 


Hindi natin matanggap at maubos isipin kung paano sa halip na ipagtanggol ang taumbayan, naging kaaway at bantang kinatatakutan ang kapulisan. Sana’y tuluy-tuloy nang magbangong-dangal ang ating kapulisan. 


Ito ang dahilan kung bakit noong nakaraang Biyernes, nagdala ang Obispo ng Diyosesis ng Cubao, kasama ang dalawang kaparian, ng liham kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner. Dala-dala nina Obispo Elias Ayuban, Fr. Jojo Simoun, Vicar General at Fr. Robert Reyes ang “Letter of Support for General Romeo Brawner and the entire Armed Forces of the Philippines”. 


Sa liham, nagpasalamat si Obispo Ayuban sa patuloy na pagtatanggol ni Gen. Brawner sa Konstitusyon at ang “rule of law.” Nangako ang Obispo at Kaparian ng Diyosesis ng Cubao na tatayo sila sa tabi ng ating mga sundalo sa pagtatanggol ng Konstitusyon at “rule of law.” Pinakiusapan din nila ang buong AFP na protektahan ang mga demokratikong institusyon, ipaglaban ang kapakanan ng taumbayan at panatilihin at palakasin ang kapayapaan.


Abala sa maraming gawain si Gen. Brawner noong nakaraang Biyernes, ngunit mainit kaming tinanggap ni Gen. Daniel Tansip ang chief chaplain ng AFP. Inimbitahan pa kaming mananghalian kasama ang ilang military chaplains. Dalawang hanay ng mga sundalo ang nagkasama: Sundalo ng Bayan at mga Sundalo ni Kristo.


Kailangang makipag-ugnayan ang simbahan sa mga sundalo at kapulisan upang ipagtanggol ang demokrasya na ngayon ay nanganganib dahil sa iba’t ibang puwersa na nais manggulo at pahinain ang kasalukuyang kaayusan. Magbabantay at handang kumilos ang ating mga sundalo at pulis laban sa anumang kaguluhan o karahasan na maaaring maglagay sa demokrasya sa panganib. 


Sa parte ng simbahan, ambag nito ang walang humpay na pagbabantay kasabay ang matindi’t malalim na panalangin para sa mapayapa at makabuluhang pagtugon sa kasalukuyang krisis.


Pagpalain, gabayan at patuloy na pagbuklurin ng Panginoon tayong lahat para sa kabutihan, kapayapaan at paglaya sa korupsiyon, masamang pamamahala na pinagmumulan ng kahirapan. Amen.



Pumanaw kamakailan ang isang kababata. Hindi siya kilala, hindi sikat. 

Meron namang namatay noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 13, 2025. Kilalang-kilala siya at merong dalawang mukha. Una, meron siyang mukha ng kapangyarihan, mukha ng kayamanan, mukha ng pulitiko. Pangalawa, meron siyang tagong mukha, ang tagong epekto ng halos anim na dekadang ‘pagmamalabis’ sa kapangyarihan at paglabag sa batas. 


Ang kababata kong minisahan natin noong nakaraang araw ay anim na taong nakaratay sa kama. Unti-unti siyang nanghina. Nawalan ng boses dahil nabutasan na ang lalamunan para makahinga (tracheostomy). Ilang taon bago pa ito, nawalan na rin siya ng pandinig hanggang pati ang kanyang mga mata ay tuluyan nang lumabo hanggang sa mabulag. 


Hindi mayaman ang aking kababata, ngunit naging matagumpay siyang bangkero noong malakas pa siya. Nakaipon silang mag-asawa kaya’t ito ang unti-unti nilang pinanggagastos hanggang sa huling sandali para mapanatili ang buhay ng kababata ko.

Malaki ang pagkakaiba ng dalawang lalaking pumanaw. Iisa ang mukha ng aking kababata. Mabuting asawa’t anak, mabait na tao sa lahat. 


Dalawa naman ang mukha ng yumaong pulitiko. Ang mukhang opisyal at ang mukhang itinatago. Lumalabas na ngayon ang mga nagawa nito noong siya’y bata, malakas at makapangyarihan. Nagtayo ito ng malaking kumpanyang gumagawa umano ng posporo. Kinailangan niya ng maraming puno, kaya’t siya’y nagtayo ng “logging corporation” sa hilagang Samar, Bukidnon, Butuan at iba pang lalawigan. Madali niyang nagawa ito dahil sa kanyang kapangyarihan bilang mataas na opisyal ng gobyerno.


Maaalala ang iba’t ibang kaso ng karahasan at pagpatay tulad ng massacre sa hilagang Samar noong 1981 nang ginamit umano ng kanyang kumpanya ang isang para-military group upang ‘lipulin’ ang 45 katao. Nasangkot din siya sa maraming kaso ng korupsiyon, gaya ng PDAF at pork barrel scam. Nakulong din naman ito, ngunit sa isang komportableng silid ng ospital (hospital arrest), at pinakawalan din dahil pinawalang-bisa ang kaso ng isang presidente. 


Personal tayong naapektuhan ng kapangyarihan ng powerful na taong ito. Ito ay dahil sa binitiwan nating pahayag tungkol sa “pagpatay” ng kanyang anak sa aking pamangkin noong Setyembre 25, 1975. Kasama ng kanyang anak na sinasabi kong “pumatay” sa aking pamangkin, kinasuhan nila ako ng libelo. Nakulong tayo ng tatlong araw hanggang sa nakapagpiyansa noong Mayo 30, 2002. Tiniis natin ang kulungan maski na wala tayong kasalanan. Napaikli ng tatlong araw na pagkakakulong. Mahaba ang siyam na taong paglilitis sa ilalim ng dalawang hukom, Normandy Pizarro at Christine Azcarrage Jacob. Salamat sa Diyos at nakita ng babaeng hukom ang katotohanan at inhustisya ng walang katapusang paglilitis sa palsong kaso. Salamat sa isang Judge Christine Jacob sa desisyon nitong i-dismiss ang kasong libelo na isinampa sa akin. 


Nasa 50 taon na ang nakararaan mula nang mapatay ang aking pamangkin ng anak ng makapangyarihang lalaki ngunit wala pa ring hustisya. Hindi nakasuhan, hindi nakulong ang kanyang anak. Pati siya, sa rami ng kanyang mga kasalanan, magaang ang naging parusa niya at sa huli, nakuha pa siyang maglingkod sa anak ng diktador na pinaglingkuran.


Hindi tayo nagsasaya, nagdiriwang o nagpapasalamat dahil namatay na ang makapangyarihang pulitiko. Nalulungkot tayo dahil walang katarungang natanggap ang aking pamangkin at ang kanyang pamilya.


Inilibing na ang aking kababatang pumanaw. Maraming taong lumuha dahil sa kanyang kabutihan. 


Ililibing na rin ang makapangyarihan at mayamang pulitiko. Iiwanan niya ang kanyang kayamanan. Bula, usok, abo na ang kanyang kapangyarihan. Maraming umiyak nang siya’y buhay pa. Hindi natin alam kung sila’y natutuwa ngayon. Nakalulungkot lang na sa pagpanaw ng mga yumaman dahil sa kanilang kapangyarihan at ang pagpupugayan lang ay ang kanilang unang mukha. 


Alam ng Diyos ang pangalawa, ang tagong mukha nila. Kung walang ganap na katarungan dito sa lupa, walang korte, walang abogado, walang halaga ng salaping kayang kontrahin ang katarungan ng Diyos.


Ngunit galit at sawa na ang marami sa mga nagaganap na pagtatakip at pagtatago ng mga may dalawang mukha. Kailangang mangyari rin ang katarungan sa lupa. Kailangan ang tunay na pamahalaan, totoo at malinis na pamamahala ng mga mabubuti, marangal at iisa lang ang mukha.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page