top of page

Delay na pagsampa ng kaso, ‘di nakakasira sa kredibilidad ng saksi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 24 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 9, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Saksi ako sa isang krimen. Inaamin kong may katagalan bago ko naipon ang lakas ng loob, dahil sa takot, upang magsampa ng reklamo at ituloy ang pagsasampa ng kaso. Dahil dito, may nagsabi sa akin na diumano ay maaaring maapektuhan ang aking kredibilidad bilang testigo dahil sa pagkaantala o “delay” sa pagrereklamo ko. Nais kong malaman kung totoo bang makasasama sa aking pagiging saksi ang aking pag-antala bago ko itinuloy ang pagsasampa ng kaso. – Jolly



Dear Jolly, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema na sinasabi na ang pagkaantala sa pag-ulat ng isang krimen o sa pagsasampa ng reklamo ay hindi awtomatikong sumisira sa kredibilidad ng isang testigo, lalo na kung ang naturang pagkaantala ay may sapat at makatwirang paliwanag.


Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong People vs. Fernandez (G.R. No. 134762, July 23, 2002), sa panulat ni Honorable Associate Justice Leonardo A. Quisumbing, ang mga sumusunod:


Appellant’s allegation that it took Mrs. Bates more than nine months to make a criminal accusation against him before the police is, thus, correct. However, delay in reporting the crime or identifying the malefactors does not affect the credibility of a witness for as long as the delay is sufficiently explained. When the police queried Mrs. Bates why she waited until appellant was arrested before filing her complaint with them, she disclosed that she feared appellant might kill her, too. Fear of reprisal has been accepted by this Court as an adequate explanation for the delay or vacillation in filing criminal charges. The delay in making the criminal accusation having thus been explained, her credibility as a witness remains unimpaired.” 


Alinsunod sa nabanggit, kinikilala ng batas at ng ating mga hukuman na ang takot, pangamba, o kakulangan ng lakas ng loob—lalo na sa harap ng banta o panganib—ay mga lehitimong dahilan kung bakit maaaring maantala ang pagsasampa ng reklamo.


Batay sa iyong salaysay, ang dahilan ng iyong pagkaantala ay ang kakulangan mo noon ng lakas ng loob upang ituloy ang kaso. Ang ganitong kalagayan ay maaaring maituring na katulad ng mga sitwasyong kinikilala ng Korte Suprema bilang sapat na paliwanag. Dahil dito, ang iyong pag-antala sa pagrereklamo ay hindi basta maaaring gawing batayan upang kwestyunin o sirain ang iyong kredibilidad bilang testigo. Tandaan na sa usapin ng pagkaantala sa pagsampa ng reklamo, ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng makatwirang paliwanag dito at ang pagkakatugma ng iyong salaysay sa iba pang ebidensiya sa kaso.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page