Cabinet members ni PBBM, pasado sa kapalpakan
- BULGAR

- 19 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 10, 2026

CONG. LEVISTE, SINUPALPAL NI OMBUDSMAN REMULLA KASI PANAY PABIDA AT PASIKAT LANG PERO AYAW NAMAN KASUHAN ANG MGA LAWMAKERS NA NASA 'CABRAL FILES' – Sinupalpal ni Ombudsman Boying Remulla si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng tinatawag nitong “Cabral Files,” o mga dokumento na umano’y nagmula sa yumaong DPWH for Planning Usec. Ma. Catalina Cabral. Ayon kay Remulla, panay ang pagpapasikat ni Leviste sa social media at sa mga panayam sa mainstream media, ngunit hindi naman ito humaharap sa Office of the Ombudsman upang pormal na ireklamo ang mga mambabatas na inaakusahan niyang may project insertions sa DPWH na nakapaloob sa 2025 national budget.
May punto si Ombudsman Remulla sa kanyang pagsupalpal kay Cong. Leviste. Kung tunay na may ebidensya ng katiwalian ang mga dokumentong hawak nito, nararapat lamang na ihain ang mga reklamo sa tamang institusyon. Sa halip, tila ginagamit lamang ang “Cabral Files” para magpasikat at magparatang sa publiko, nang walang lakas ng loob na dumaan sa pormal at legal na proseso. Period!
XXX
P33B BUDGET SA FARM-TO-MARKET ROAD, DAPAT I–VETO NI PBBM, KASI ANG PONDONG INILALAGAY D’YAN AY KINUKURAKOT LANG – Dapat ding vineto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang P33 bilyong pondo para sa mga “Farm-to-Market Road” na inaprubahan ng Senado at Kamara at isinama sa 2026 national budget.
Batay sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi lamang pondo para sa flood control projects ang ginawang gatasan ng mga tiwaling pulitiko, opisyal ng DPWH, at mga kontratista, kundi pati na rin ang pondo para sa “Farm-to-Market Road.” Sa kabila nito, hindi ito vineto ni PBBM at sa halip ay isinama pa sa mga proyektong kanyang nilagdaan at inaprubahan sa 2026 national budget. Tsk!
XXX
NAGSINUNGALING DAW SI CONG. PULONG DUTERTE NANG SABIHING WALANG SUBSTANDARD AT INCOMPLETE FLOOD CONTROL PROJECTS SA DAVAO CITY, KASI MISMONG NBI ANG NAGSABING MERON – Nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakaroon ng mga substandard at incomplete na flood control projects sa Davao City. Dahil dito, inihahanda na ng ahensya ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang tiwaling opisyal ng DPWH sa lungsod.
Ibig sabihin, mali ang naging pahayag ni Davao City Rep. Paolo Duterte na wala umanong substandard at incomplete na flood control projects sa kanilang lugar. Mismong NBI na ang nagsabing may mga depektibong proyekto—kaya malinaw kung sino ang nagsasabi ng totoo. Period!
XXX
PBBM, 'HAPPY' SA PALPAK NA SERBISYO SA TAUMBAYAN NG KANYANG MGA CABINET MEMBERS? – Pinabulaanan ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro ang kumakalat sa social media na magsasagawa umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ng balasahan sa mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Sa totoo lang, marami sa mga Cabinet members ni PBBM ang pumapalpak sa pagbibigay-serbisyo sa mamamayan. Kung totoo ngang walang magaganap na balasahan, gaya ng pahayag ni Usec. Castro, lumalabas na kuntento ang Pangulo sa kapalpakan ng ilang miyembro ng kanyang Gabinete. Boom!








Comments