Lahat ng sangkot sa flood control projects scam, dapat makulong
- BULGAR
- 12 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 2, 2025

SIGURO HINDI KUSANG NAG-RESIGN SI BONOAN, MALAMANG PINAG-RESIGN NI PBBM -- Nitong nakalipas na Sabado, August 30, 2025 ay nanindigan ang noo’y Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan na hindi siya magri-resign sa puwesto kahit nabulgar na ang sangkatutak na anomalya sa flood control projects, pero kamakalawa, kahit araw ng Linggo ay nagsumite siya ng resignation na tinanggap naman agad ni Pres. Bongbong Marcos.
Dahil diyan, lumalabas na hindi siya kusang nag-resign, at malamang pinag-resign siya ni PBBM, na ‘ika nga sa maikling salita, sinibak siya, boom!
XXX
NGAYONG SI VINCE DIZON NA ANG DPWH SEC., SANA MAISUMITE KAY PBBM LAHAT NG ‘GHOST’ PROJECTS PARA MAILAGAY SA ‘SUMBONG SA PANGULO’ WEBSITE UPANG MALAMAN NG PUBLIKO ANG MGA KONTRAKTOR NA NANG-SCAM SA KABAN NG BAYAN -- Si noo’y Dept. of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon ang itinalaga ni PBBM na bagong DPWH secretary kapalit ni Bonoan.
Maaaring isa sa dahilan kung kaya’t “forthwith” o agad-agad tinanggap ni PBBM ang resignation ni Bonoan sa DPWH ay dahil “inunggoy” siya nito, kasi nang hingin ng Presidente ang mga construction firm ng mga flood control project ay 15 kontratista lang ang isinumite niya kay PBBM, at hindi isinama ang mga kontraktor ng mga flood control ‘ghost’ projects.
At ngayong si Dizon na ang secretary ng DPWH, sana alamin niya agad ang lahat ng mga ‘ghost’ project na flood control at isumite ito sa Pangulo para mailagay sa “Sumbong sa Pangulo” website upang malaman ng publiko ang mga kontraktor na nang-scam sa kaban ng bayan, period!
XXX
SANA MAY SENADOR NA NAGTANONG KAY EX-DPWH OFFICIAL HENRY ALCANTARA KUNG ANG SARILI NILANG PERA O KICKBACK SA PROYEKTO ANG IPINANGSUSUGAL SA CASINO -- Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay napaamin si former DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara na nagsusugal siya at ang iba pang DPWH officials sa casino.
Sana may senador na nagtanong kay Alcantara, kung ang pera bang isinusugal nila sa casino ay sariling pera nila o kickback nila sa flood control projects ng mga kontraktor.
Tutal may next Senate hearing pa, itanong sana iyan ng mga senador kay Alcantara, abangan!
XXX
LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, DAPAT MAKULONG -- Nang mabulgar ang pork barrel scam ni Janet Napoles noong July 12, 2013 ay agad bumuo ng fact-finding commission ang noo’y Pres. Noynoy Aquino (P-Noy) at sa imbestigasyon ay lumutang ang mga pangalan ng mga senador, kongresista at government officials na kasabwat ni Napoles sa pang-i-scam sa pera ng bayan at makalipas lang ang halos isang taon, lahat ng sangkot ay nakasuhan at nakulong.
Kung totoong nilalabanan ni PBBM ang corruption sa gobyerno, dapat tularan niya ang naging aksyon ni PNoy, na sa loob ng isang taon dapat lahat ng sangkot sa flood control projects scam, makulong, period!
Comments