Dapat walang pinipiling tao, oras o panahon ang serbisyo, period!
- BULGAR

- Nov 6, 2020
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 6, 2020
Libu-libong Pilipino ang nagdurusa hindi lamang sa epekto ng pandemya dulot ng COVID-19 kundi pati sa iba’t ibang insidente at sakuna, tulad ng mga nasalanta ng bagyo sa Bicol. Patuloy ang ating pagbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog, tulad sa Cavite at Maynila nitong linggo. Gayundin ang mga kababayan natin sa Batangas na apektado ng bagyo.
Bagama’t hindi tayo personal na nakapunta sa mga biktima ng sunog o kalamidad dahil sa limitasyon dulot ng pandemya, sinisigurado nating makararating sa kanila ang upang makaraos at makabangon muli mula sa trahedyang kanilang sinapit.
Kadalasan sa mga ito ay ang mga Pilipinong natupok ang mga kabahayan at kabuhayan dahil sa sunog o kalamidad. Dahil dito, kailangan nilang lumikas at pansamantalang maninirahan sa mga evacuation centers o kaya sa mga eskuwelahan.
Mahirap isiping sa gitna ng krisis na kinahaharap natin dahil sa COVID-19, dumagdag pa sa problema nila ang mga insidenteng ito.
Ayaw nating nakikita ang ating mga kababayan na naghihirap at nagdurusa. Namamahagi tayo sa iba’t ibang lugar sa buong Pilipinas ng immediate relief assistance, tulad ng pagkain, food packs, medisina, at vitamins. Gayundin ang masks at face shields upang maiwasan ang lalong hawahan ng sakit lalo na sa mga evacuation centers.
Naiintindihan nating limitado ang transportasyon ngayon. Higit sa lahat, mahirap din ang mag-commute papunta sa trabaho. Kaya naman, namamahagi tayo ng bisikleta sa mga pinaka-nangangailangan para maibsan ang kanilang hirap at maengganyo rin ang mga kababayan natin sa alternatibong transportasyon na ito na makakabuti sa ating kalusugan.
Namamahagi tayo ng tablets sa iilang mga kabataan upang makatulong sa kanilang pag-aaral.
Pinapaalalahanan natin ang kabataan na mag-aral ng mabuti. Hindi lang ito puhunan nila sa kanilang kinabukasan kundi ito rin ang tanging kasiyahan ng kanilang mga magulang na nagsasakripisyo para sa kanilang kabutihan.
Gayundin, nariyan ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na palaging handang tumugon sa mga naghihirap nating mga kababayan. Nagbibigay sila ng ayuda mula sa kanilang mga programa, tulad ng financial, food at housing assistance, at pati na rin skills training at livelihood packages para matulungan ang mga biktima ng sakuna na muling maiangat ang kanilang kabuhayan.
Wala pa mang COVID-19 pandemic, pumupunta na tayo sa mga komunidad na apektado ng sunog o kalamidad. Hanggang sa ngayon, patuloy tayong nagseserbisyo sa abot ng ating makakaya. Nandito ang gobyerno para magsilbi at hindi sila pinapabayaan.
Bukas palagi ang ating opisina para sa lahat ng Pilipinong nangangailangan ng tulong.
Magtulungan tayong lahat, lalo na sa panahon ng krisis. Patuloy tayong magbayanihan at magmalasakit sa kapwa upang malampasan natin ang mga pagsubok na hinaharap natin bilang nagkakaisang bansa.
Walang pinipiling tao, oras o panahon ang serbisyong nais nating ihatid para sa bawat Pilipino. Ito ang serbisyong Tatak Duterte na patuloy na ibibigay namin sa inyo. Ako at si Pangulong Duterte ay iisa ang hangarin—ito ay protektahan ang buhay, interes at kapakanan ninyo upang makapag-iwan ng tunay na pagbabago sa bansa na ramdam ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments