top of page
Search
  • BULGAR

Dapat walang pinipiling oras, posisyon o panahon ang pagserbisyo sa kapwa, period!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 27, 2020



Nitong mga nagdaang araw, maraming malalaking hamon ang ating naranasan. Bagyo, flashflood, sunog at higit sa lahat, ang pandemya na ilang buwan nang nagpapahirap sa mga atin, hindi lamang sa kalusugan kundi sa pang-araw-araw nating pamumuhay.


Bilang mambabatas at kinatawan ng publiko, walang tigil ang ating serbisyo.


Dapat walang pinipiling oras, posisyon o panahon ang pagserbisyo sa kapwa tao, lalo na sa gitna ng krisis kung kailan sinusubok ang katatagan ng ating bansa. Naapektuhan man ang ating ekonomiya at kabuhayan, mas pinaigting natin ang mga programa at inisyatibo para sa mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap at vulnerable na sektor. Sila ang pinaka-nangangailangan ng tulong at malasakit mula sa gobyerno.


Kaugnay nito, patuloy din ang pagbubukas ng mga Malasakit Center upang mapadali ang pagkuha ng tulong medikal mula sa gobyerno ng mga kababayan nating may sakit. Ngayong linggo lamang, binuksan ang ika-93 na Malasakit Center sa Lanao del Norte. Noong nakaraan naman, mayroon ding binuksan naman sa Benguet. Tuluy-tuloy po ito. Dahil din sa pandemya, nararapat lamang na walang humpay ang serbisyo ng Malasakit Centers sa buong bansa dahil napaka-importante na maprotektahan ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.


Nitong linggong ito rin, opisyal ding binuksan ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program sa Lanao del Norte. May hinahanda nang pabahay sa sinumang gustong umuwi na sa probinsiya. Inaayos na rin ang mga oportunidad pangkabuhayan para sa mga nais magsimula muli at mabigyan ng bagong pag-asa na makabangon at magkaroon ng mas komportable at maayos na buhay.


Ang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa o BP2 Program ay ginawa dahil sa kagustuhan namin ni Pangulong Rodrigo Duterte na siguruhin ang pantay at mabilis na pag-unlad ng mga rehiyon at maging patas ang distribusyon ng oportunidad ng pag-asenso para sa lahat. Ito rin ay upang mabilis na makabangon ang mga Pilipino pagkatapos nating malampasan ang krisis na dulot ng COVID-19 — kahit saan man silang parte ng bansa naninirahan.


Sa kasalukuyan, hindi nawawala ang patuloy na pag-abot ng tulong sa mga nasunugan, nasalanta ng bagyo, nawalan ng kita o trabaho, at lahat ng komunidad na apektado ng mga krisis.


Kasabay natin sa pagtulong ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na patuloy na ginagampanan ang kanilang mga mandato. Nagpapasalamat tayo sa kanilang mabilis na aksiyon upang matugunan ang mga panawagan na tulungan ang mga Pilipinong naghihirap.


Sa Senado naman, kahapon lamang ay naipasa na sa huling pagbasa ang budget para sa susunod na taon. Sinigurado natin na magiging sapat at angkop ang pondo para tuluyang masolusyunan na ang mga krisis na ating hinaharap. Sisiguraduhin din natin na magagamit ang pondo ng bayan sa wastong paraan at ni piso ay hindi mananakaw o masasayang.


Tulad ng sinabi ng Pangulo, sa ating bayanihan efforts, ‘no Filipino will be left behind’. Buong gobyerno ay gumagalaw para makabangon ang bansa. Ito ang whole-of-government approach kung saan lahat ng mga ahensiya at tagapaglingkod ay nagtatrabaho para matulungang makaahon sa anumang krisis, kahit saan mang sulok ng bansa.


Huwag tayo mawalan ng pag-asa, muli tayong babangon bilang mas matatag at nagkakaisang bansa. Patuloy tayong magbayanihan. Ibabalik namin sa inyo ang tiwala at suportang ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng mabilis, maayos, at maaasahang serbisyo na dapat ninyong matanggap.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page