top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Dapat mabilis ang kilos ng IATF-EID hinggil sa bagong strain ng Coronavirus!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 28, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 28, 2020



Marami ang kinilabutan nang pumutok ang balita hinggil sa nadiskubreng bagong strain ng SARS-CoV-2 virus na natuklasan umano mula sa United Kingdom (UK) at ngayon ay kinumpirma mismo ng Japan health ministry na ang parehong strain ay meron na rin sa kanila.


Naalarma ang marami dahil sa hindi pa nga tayo nakakabili ng bakuna ay nahaharap na naman tayo sa panibagong pagsubok na kung makakapasok sa ating bansa ay hindi natin alam kung saan na tayo patutungo.


Nauna rito ay kinalampag na natin ang National Task Force (NTF) on COVID-19 kung ano ang ginagawa nitong paghahanda para hindi na makapasok sa ating bansa ang panibagong variant na unang natukoy sa England at ngayon ay nasa Japan na.


Agad namang kumilos ang Inter-Agency Task Force For The Management Of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na nagpalabas ng kautusan na suspendihin ang lahat ng biyahe mula sa UK papasok ng bansa simula Disyembre 24 hanggang 31, 2020 at inaasahan nating isasama na ang Japan.


Ayon sa ulat, ang bagong strain ay tinawag ng mga dalubhasa na B.1.1.7 ay may mahigit 20 mutations mula sa kasalukuyang strain ng virus at pinaniniwalaang mas nakakahawa, at mas mabilis kumalat sa mas mataas na antas.


Habang wala pang inidikasyon ng kahit anong epekto ng mutations sa kasalukuyang nadiskubreng bakuna ay nauna na ang mga bansang Ireland, Germany, France, Italy, Austria, Turkey, Switzerland, the Netherlands, Belgium, Canada at maging ang India na ipagbawal ang pagpasok ng kahit sino na magmumula sa UK.


Lalo pa at nakumpirma na ang bagong strain ay umabot na sa Asia-Pacific, base sa pahayag ng Australia kamakailan na nakapag-ulat ng mga kaso ng bagong UK strain na napakabilis umanong kumalat.


Noong nakaraang araw lamang ay kumalat ang balita na posibleng nasa ating bansa na ang naturang bagong strain na inihayag ng ilang mga eksperto na kinakapanayam ng ilang programa sa radyo.


Ngunit tinutulan ito ng eksperto mula sa Philippine Council of Health Research and Development of Science and Technology na ang panibagong variant na natukoy mula England ay hindi pa umano umaabot sa ating bansa.


Ang bagong variant umano ay umusbong dahil sa ang severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 na siyang dahilan ng COVID-19 ay palaging nag-uugnay patungo sa paglakas at pagbabagong anyo.


At virus behavior ay palaging inaasahan na karaniwan ay nauuwi umano sa mas mabilis maglipana, mas delikadong kompilikasyon at natiyak pa na ang panibagong variant na ito ay mas mabilis makahawa.


Hindi man tiyak pa ng ating Department of Health (DOH) ay nagpalabas na ng pahayag ang health official ng UK na posible umanong umabot sa 70 porsiyentong itong nakahahawa kumpara sa narararanasan nating COVID-19.


Hindi lang naman umano ito ang unang pagkakataoan na nag-mutate ang coronavirus, dahil unang natuklasan ang COVID-19 sa Wuhan, China ay hindi naman ang dominant type na kumalat sa buong mundo.


Ang D614G mutation na umusbong sa Europe noong nakaraang Pebrero ang dominant form ng virus na kumalat sa buong mundo at siyang nakumpirma ng Philippine Genome Center.


Kasunod nito ay ang panibagong mutation na A222V na kumalat din sa Europe at natukoy kalaunan na nagmula naman sa Spain.


Ibig sabihin, mas lalo pa dapat nating pag-ibayuhin ang pag-iingat at huwag tayong mananawa sa pagsunod sa ating pamahalaan dahil hindi humihina ang kalaban bagkus ay lumalakas pa.


Nitong nakaraang araw bago mag-Pasko hanggang sa mismong araw ng Pasko ay nakita natin ang ating mga kababayan kung gaano nakikipagsiksikan sa mga pamilihan, simbahan at iba pang pasyalan na hindi na alintana ang umiiral na health protocol.


Marami pa rin ang nag-inuman, nalasing, nag-videoke at hindi malayong sa pagsalubong sa bagong taon ay maulit na naman ang katigasan ng ulo ng marami at muli ay tumaas na naman ang bilang ng kaso ng nahawa sa COVID-19.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page