Dapat gawin sa mga basurang ‘di pa nakokolekta
- BULGAR
- Jul 19, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 19, 2023
Dear Chief Acosta,
Napapadalas na ang malakas na ulan nitong mga nakaraang araw at batid ko na pagkatapos ng malakas na ulan ay nagbabaha sa ilang lugar sa amin. Minsan ay may mga basura na lumulutang-lutang sa baha at pagkahupa naman ng baha ay naiiwan ang ibang basura sa kalye. Dahil dito, nais ko sanang malaman kung may batayan ba na sinusunod sa pagtatapon o paghihiwa-hiwalay ng mga basura. Salamat po sa inyong tugon. - Kap
Dear Kap,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 22 ng Republic Act (R.A.) No. 9003, o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”, na nagsasaad na:
“SECTION 22. Requirements for the Segregation and Storage of Solid Waste. — The following shall be the minimum standards and requirements for segregation and storage of solid waste pending collection:
a. There shall be a separate container for each type of waste from all sources: Provided, That in the case of bulky waste, it will suffice that the same be collected and placed in a separate and designated area;
b. The solid waste container depending on its use shall be properly marked or identified for on-site collection as “compostable”, “non-recyclable”, “recyclable” or “special waste”, or any other classification as may be determined by the Commission.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, may kailangang sundin na minimum standards o requirements patungkol sa paghihiwa-hiwalay at pagtatago ng mga solidong basura na hindi pa nakokolekta sa isang lugar.
Base sa nakasaad sa Seksyon 22 ng R.A. No. 9003, nararapat na may mga magkakahiwalay na lagayan para sa kada uri ng basura na nakukuha sa iba’t ibang pinanggalingan nito, at kung sakaling malaki ang nasabing basura, maaari na itong makolekta at ilagay sa ibang lugar.
Gayundin, ang iba’t ibang lagayan ng basura ay nararapat na lagyan ng wastong marka o pagkakakilanlan para sa maayos na pangongolekta tulad ng “compostable,” “non-recyclable,” “recyclable” o “special waste,” o kahit ano pang klasipikasyon na maaaring madetermina ng National Solid Waste Management Commission. Karagdagan dito, nais din naming ipaalam sa iyo na may karampatang multa o pagkakakulong na maaaring ipataw sa sino man na mapatutunayan na lumabag sa kahit anong probisyon ng R.A. No. 9003 alinsunod sa Seksyon 48 ng nasabing batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments