top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Dapat bang pagbayarin ng danyos ang bata?

BULGAR
May 24, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 24, 2022


Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang linggo ay pinasyal ko po sa mall ang aking limang (5) taong gulang na anak. Habang naglalakad kami ay nadulas ang aking anak at naitulak niya ang mga kartong dekorasyon na naging sanhi ng pagkasira nito. Dahil dito ay pinagbabayad po kami ng danyos ng management ng nasabing mall dahil kasalanan diumano ng aking anak ang pagkasira ng kanilang dekorasyon. Tama po ba sila?


Bennie


Dear Bennie,


Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Jarco Marketing Corporation, et al. vs. Court of Appeals, et al. (G.R. No. 129792, December 21, 1999, Ponente: Honorable Former Chief Justice Hilario G. Davide, Jr.), kung saan ipinaliwanag na:


“Anent the negligence imputed to ZHIENETH [the child], we apply the conclusive presumption that favors children below nine (9) years old in that they are incapable of contributory negligence. x x x Even if we attribute contributory negligence to ZHIENETH and assume that she climbed over the counter, no injury should have occurred if we accept petitioner’s theory that the counter was stable and sturdy. For if that was the truth, a frail six-year old could not have caused the counter to collapse.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang isang bata na siyam (9) na taong gulang o pababa ay walang kakayahang maging pabaya sa kanyang mga gawain at hindi magkakaroon ng responsibilidad kung sakaling siya ay makasira. Isinaad din sa nasabing kaso, kung ang nasabing dekorasyon ay matibay at maayos ang pagkakagawa, hindi ito masisira ng isang maliit na bata.


Samakatuwid, kung inyong mapatutunayan na wala kayong pagkukulang sa superbisyon sa inyong anak at ang mismong dekorasyon ng mall ang mahina at madaling masira, wala kayong responsibilidad na magbayad ng anumang halaga sa nasabing mall sapagkat ipinagpapalagay ng batas na sila ang may kapabayaan dahil hindi nila maayos na pinagtibay ang paggawa ng nasabing dekorasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page