Dagdag-singil sa kuryente, asahan na ngayong tag-init
- BULGAR

- Mar 8, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Mar. 8, 2025

Dahil sa pagpalo ng napakainit na panahon ay kani-kanyang diskarte na ang ginagawa ng marami maibsan lamang ang tindi ng nararamdaman.
Kaya naman nagbabala ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa publiko hinggil sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente kasabay ng pagtaas ng temperatura nitong mga nakaraang araw.
Batay sa ERC, mula sa pinakamababang presyo ng kuryente sa spot market noong Pebrero na P2.71/kWh, biglang tumaas ang halaga nito habang tumitindi ang init.
Noong Marso 2, umabot sa P6.64/kWh ang presyo, at halos nadoble ito kinabukasan.
Ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, hindi dapat umasa ang mga konsyumer sa pagbawas ng singil sa kuryente sa Abril dahil sa mas mataas na presyo ng kuryente sa spot market ngayong buwan.
Gayunman aniya, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente, posibleng mapagdesisyunan ng ERC na ipatupad ang petisyon ng Manila Electric Company (Meralco) para sa refund upang maibsan ang inaasahang pagtaas ng singil sa kuryente.
Kaugnay nito, nagkaroon ng yellow alert noong Miyerkules matapos tumigil sa operasyon ang ilang planta ng kuryente. Ayon sa Department of Energy (DOE), ito ay dulot ng mas mataas na demand dahil sa mainit na panahon. Ngunit tiniyak ng kagawaran na babalik sa normal ang suplay ngayong linggo habang tuloy ang pag-operate ng ilang planta at ang pagkakaroon ng bagong power facilities.
Sa harap ng tumataas na temperatura kasunod ng malakas na paggamit o pagkonsumo natin ng kuryente, kailangang natin itong paghandaan dahil tiyak na dagdag ito sa ating mga gastusin.
Siguro tayo na lang ang gumawa ng paraan para mabawasan ang pagbabayad natin ng bill sa kuryente kahit pa sinasabing mayroong refund na ibibigay ang Meralco.
Sana lang pagsikapan talaga ng gobyerno at kaukulang ahensya ang pag-regulate sa presyo ng kuryente at iba pang bayarin, dahil siguradong malaking dagok at pahirap na naman ito sa mga ordinaryong mamamayan na hirap na ngang matugunan ang pangangailangan sa araw-araw, pagkatapos ay dadagdagan pa ng pagbabayad ng mas mahal na kuryente ngayong panahon ng matinding init.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments