top of page

Dagdag-pondo sa MSRS, hakbang kontra kakulangan ng mga doktor

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 18 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 26, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Inilaan natin sa 2026 National Budget ang pinakamalaking pondo sa kasaysayan para sa Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program, isang mahalagang hakbang upang tugunan ang lumalalang krisis sa kakulangan ng mga doktor at iba pang health professionals sa bansa. 


Makakatanggap ang MSRS ng P1.1 bilyon ngayong taon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumagpas sa P1 bilyon ang pondo ng programa. Susuportahan nito ang 1,000 bagong medical scholars. Patuloy din nitong tutustusan ang 2,869 na kasalukuyang scholars na nagsasanay upang maging mga doktor sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan Act (Republic Act No. 115089).


Binibigyang-diin ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa kanilang Workforce Development Plan ang matinding pangangailangan para sa dagdag na medical scholars. Ayon sa kanilang ulat, mayroon lamang 21.2 healthcare workers sa bawat 10,000 na tao sa Pilipinas. Malayo ito sa 44.5 na rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).


Sa kasalukuyan, nangangailangan ang bansa ng tinatayang 15,000 karagdagang doktor upang matugunan ang pangangailangang medikal ng populasyon. Nakababahala rin ang datos na namamatay ang anim sa bawat sampung Pilipino nang hindi man lang nakakakita ng doktor. Hindi na nagbago ang nakapanlulumong datos na ito mula pa noong 1991.


Bukod dito, nasa ulat din ng EDCOM II na hindi nakakaabot sa workforce ang humigit-kumulang 56% ng mga mag-aaral na nasa healthcare field dahil sa paghinto sa pag-aaral o pagbagsak sa licensure examinations.  Dito natin nakikita na matibay na solusyon ang MSRS program upang matiyak na makakapagtapos at makakapagsilbi sa bansa ang mga kwalipikadong mag-aaral, lalo na iyong mga nangangailangan ngunit nagpakita ng kahusayan sa pag-aaral. 


Sa ilalim ng batas, obligadong magbigay ng hindi bababa sa isang taon ng “return service” sa public health system ang mga scholar sa mga state universities and colleges (SUCs) o partner private institutions para sa bawat taon ng scholarship na kanilang natanggap.


Layon din ng pondong ito na palawakin ang mga medikal na programa sa mga rehiyon. Iniulat kasi ng EDCOM II na nananatiling walang pampublikong unibersidad na nag-aalok ng kursong medisina sa dalawang rehiyon – sa Region 10 at sa Cordillera Administrative Region. Nagsisilbing hakbang ang pondo para ngayong 2026 upang makamit natin ang target ng National Education Plan na magkaroon ng SUC na may medical program sa lahat ng rehiyon sa bansa.


Bukod sa mismong scholarships, naglaan din tayo ng P440 milyong seed fund para sa pagpapatayo ng mga medical schools sa ilalim ng mga SUCs. Susuportahan ng pondong ito ang mga pamantasan upang makapagtatag sila ng dekalidad na programa sa medisina, partikular na sa mga rehiyong nangangailangan pa nito.


Hindi lamang simpleng tulong pinansyal ang hatid ng medical scholarship program. Mahalaga ito upang hubugin ang susunod na henerasyon ng mga doktor sa bansa. Kung ipagpapatuloy natin ang pagsuporta sa programang ito,  matutugunan natin ang kakulangan sa mga manggagamot at masisiguro natin ang sapat na serbisyong medikal para sa bawat Pilipino.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page