top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Dagdag-benepisyo bilang pagkilala sa hirap ng mga titser

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 13, 2023
  • 4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 13, 2023


Mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ay ipinagdiriwang natin ang National Teachers' Month (NTM), isang pagkilos na pinangungunahan ng Department of Education (DepEd) sa tulong ng mga multi-sectoral groups na kumikilala sa kontribusyon ng mga guro sa ating edukasyon.


Ang ‘My Teacher, My Hero’ ay ilan lang sa mga kampanyang inilunsad upang kilalanin ang pagsisikap ng ating mga guro sa paghubog sa husay at talino ng ating kabataan na kalaunan ay siyang magiging sandigan ng bansa.


Ang kabuuang ideya hinggil sa pagdiriwang ng NTM ay upang hikayatin ang buong bansa na alalahanin ang kabayanihan ng ating mga guro mula sa mga paaralan kung saan sila tumatayong ikalawang magulang sa anak ng maraming Pilipino.


Simula noong taong 2011, ang NTM movement ay umani ng momentum kasabay ng Presidential Proclamation 242 na pormal na idineklara ang Septyembre 5 hanggang Oktubre 5 kada taon na gawing National Teachers' Month.


Taong 2016, ang NTM movement ay narating ang kanilang milestone kasabay ng pagpapatupad ng Republic Act 1043 na ang Oktubre 5 ng kada taon ay ipagdiriwang bilang National Teacher's Day -- bilang pagtatapos ng isang buwang selebrasyon.


Bukod sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na kinikilalang bayani ng ating lipunan ay itinuturing ding pinakadakilang propesyon ang pagtuturo dahil nasa kanilang mga kamay nakasalalay ang kinabukasan ng kabataan at ng buong bansa.


Bahagi ng kadakilaan ng mga guro ay ang labis na pagtitiis dahil sa mababang sahod at walang pagod na pag-akyat ng mga kabundukan at pagtawid sa malalalim na ilog basta makarating lamang sa mga lugar kung saan sila itinalaga bilang guro.


Kaya nananawagan tayo sa publiko na magpakita ng pasasalamat at pagkilala sa labis na dedikasyong ipinamalas ng mga guro na halos ibuwis na ang kanilang buhay sa sinumpaan nilang tungkulin.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Civil Service at Government Reorganization and Professional Regulation ay pinagsikapan nating muling mailusot sa Senado ngayong 19th Congress ang matagal na nating itinataguyod para sa mga teachers — ang maging isang ganap na batas na itong Teaching Supplies Allowance (TSA).


Ilang ulit na nating inilaban nang pukpukan ang panukalang ito at matagumpay natin itong nailusot sa third and final reading sa Senado kahit na noong 17th Congress at 18th Congress ay palaging buong-buo ang nakukuha nating suporta sa mga kapwa natin senador.


Ang problema, hindi ito lumulusot noon sa Mababang Kapulungan kaya hindi ito naging ganap na batas kaya heto at pinagsisikapan nating muli na maging isang ganap na batas itong TSA dahil ipinangako ko sa ating mga public school teacher na hindi natin ito tatantanan.


Hindi ba’t nagpasa rin tayo ng Senate Bill No. 849 o ang An Act Providing for Additional Benefits and Privileges to Public School Teachers Amending for the Purpose Republic Act No. 4670, o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Public School.


Isinumite rin natin ang Senate Bill 848 o ang An Act Granting Additional Insurance Benefits to All Public School Teachers, Providing Funds for the Payment of its Premiums, And For Other Purposes na mas kilala rin sa tawag na Additional Teachers’ Insurance Act.


Layon nitong magkaroon ng P200,000.00 death benefits ang lahat ng teacher na aktibo sa serbisyo, may burial allocation din na P50,000 at reimbursement ng actual medical expenses ng lahat ng teacher maging retirado man o aktibo sa serbisyo basta’t hindi lalagpas sa P 100,000.00.


May panukala din tayong Senate Bill No. 267 o ang An Act Increasing the Salary Grade of Public School Teachers From Salary Grade 11 to 15 and Providing Funds Therefor o mas kilala sa tawag na The Public School Teachers' Salary Upgrading Act.


Layon nitong mapataas ang sahod ng mga pampublikong guro mula sa Salary Grade 11 (P27,000) hanggang Salary Grade 15 (P36,619) upang mapagaan pa ang kanilang buhay.


Iniakda din natin ang Senate Bill No. 1832 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 8291 o ang ‘Government Service Insurance System Act of 1997’ upang ang isang government employee ay maaari nang magretiro at makatanggap ng benepisyo sa edad na 56.


Layon nitong maibaba ang retirement age ng government employees mula 65 patungong 60 anyos para sa compulsory retirement at mula 60 na maging 56 anyos at kabilang dito ang mga guro.


Sa aking Senate Bill No. 1568 ay isinusulong naman natin na ang magreretirong government employees ay pagkakalooban ng automatic promotion katumbas sa isa pang salary grade na ang ibig sabihin ay karagdagang suweldo na pagbabasehan ng computation para sa kabuuang retirement benefits na makukuha ng isang magreretiro.


Alam natin na hanggang sa kasalukuyan ay napakaraming hinaing ng ating mga guro at hindi natin ito ipinagkikibit-balikat kaya nga walang tigil ang pagsisikap natin upang makapagsumite ng mga panukalang batas na ang layunin ay ang kapakanan ng ating mga guro.


Sabayan lang natin ng panalangin at isa sa mga araw na ito ay sama-sama nating makakamit ang adhikaing mapagaan ang pamumuhay ng ating mga guro at sana ay maabot natin ang panahon na mas masayang ipinagdiriwang ang National Teachers' Day.

Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page