Search
  • BULGAR

China, garapalan na sa pananakop sa WPS

Updated: Apr 8

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | April 08, 2021



“Walk the talk” na ibig sabihin, samahan ng aksiyon ang salita.


Ito ang pahayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kay Defense Sec. Delfin Lorenzana matapos ang ilang palabang pahayag kaugnay sa dami ng barkong Tsino sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa tulad ng Julian Felipe Reef at Union Banks. Kahina-hinala ang pakay ng mga barkong-pangisda diumano ng China sa mga lugar.


Umabot sa mahigit 200 ang bilang ng kanilang mga barko sa lugar mula pa noong nakaraang taon. Malinaw na pinagsamantalahan ang pandemya para lumayag sa mga lugar at tila walang ginagawa, maliban na lang kung sa gabi kumikilos ng ilegal.


Hindi tayo magtataka kung talagang mangingisda ‘yan, sira na ang kalikasan doon.


Samantala, ngayon lang nagsalita nang ganyang katapang si Lorenzana hinggil sa ginagawang pagpasok ng mga barko ng China sa ating EEZ.


Ngayon lang siya nagdemanda na umalis ang mga barko sa Julian Felipe Reef dahil wala namang masamang panahon at hindi siya maloloko. Pero medyo natawa tayo sa kanyang pahayag na hangarin ng China ay sakupin ang West Philippine Sea — matagal na.


Noong 2016 pa lang nang hangarin ng China, lalo na’t yumaman nang husto at pinalakas ang kanilang militar . Nakapaglikha na nga ng mga artipisyal na isla na kumpleto ng paliparan at kagamitang militar. Ngayon, ibang lugar naman ang minamataang maglikha ng karagdagang artipisyal na isla.


Gayunman, sa kabila ng maaanghang na salita mula sa ilang miyembro ng gabinete, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na mapayapang resolusyon ang nais niya sa mainit na isyu dahil kaibigan ang China. Walang sorpresa sa kanyang pahayag.


Pero kung magsalita ang embahada ng China sa bansa ay sila pa ang matapang at binansagang “unprofessional” si Lorenzana. Iginiit din na sa kanila ang karagatan kaya sila nandoon. Walang epekto sa kanila ang anumang protesta ang ihain ng DFA.


Panahon na para igiit ang ating soberanya sa mga isla sa West Philippine Sea — masyado ng garapal at gahaman ang China.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.