top of page
Search
  • BULGAR

COVID-19 transporter, tuloy ang operasyon

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 16, 2021



Isang araw ang pinalipas mula nang madiskubre ng operatiba ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kolorum na itinatakas ang mga pasaherong walang dokumento na negatibo sa COVID-19 ay muli na namang itinuloy ang kanilang operasyon.


Matatandaang umuusok sa galit si DOTr Secretary Arthur Tugade nang humarap ito sa press conference matapos na madiskubre ng kanyang tanggapan ang ilegal na operasyon ng mga kolorum na sasakyan patungo sa mga lalawigan.


Sa unang araw ng kanilang operasyon ay napakaraming pasahero ang kanilang nasakote na lulan ng mga kulorum na sasakyang patungong Bicol Region mula National Capital Region (NCR) kabilang na ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ang NCR Plus bubble.


Umabot sa 12 vans ang naaktuhang bumibiyahe nang walang prangkisa na siyang responsable sa pagpapasok sa Bicol Region ng mga pasaherong walang kaukulang papeles o swab test at 80 sa mga ito ang positibo sa COVID-19.


Nasundan pa ng ilang araw ang naturang operasyon sa mga itinalagang check point sa mga boundaries at marami pa rin ang nasasakote ng mga operatiba hanggang sa panandaliang mahinto ang mga ilegal na biyahe dahil sa init ng operasyon.


Ngunit isang araw matapos na humupa na ang sitwasyon sa media ay tuloy na naman ang maliligayang araw ng mga iresponsableng tsuper at van operator na lahat ay sinasamantala ang pagkakataong kumita sa kasagsagan ng pandemya.


Ang resulta, ang Lalawigan ng Albay na dati ay halos zero ang kaso ng COVID-19 mula noong Marso noong nakaraang taon ay biglang isinailaim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Legaspi City, Daraga, Guinobatan, Ligao City, Tabaco City, Bacacay, Libon Oas at Tiwi dahil sa pagtaas ng kaso.


Ang lalawigang kamakailan lamang ay malayang nakakapamuhay ng maayos ang mga residente ay biglang sinaklot ng pangamba dahil sa unti-unti nang tumataas ang bilang ng nahahawa sa COVID-19.


Hindi lamang ang lalawigan ng Albay ang tumataas ang kaso dahil maging ang iba pang bahagi ng Bicol Region tulad ng Camarines Norte at Sur ay kapansin-pansin din ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.


At isa sa mga nakikitang dahilan ay ang walang tigil na paglabas-masok ng mga pasaherong walang swab test mula sa NCR plusna malayang nakalulusot sa mga itinalagang check point na may mga nakatalagang pulis at sundalo na bukod sa nakauniporme ay armado pa ng matataas na kalibre ng baril.


Sa kasalukuyan ay suspendido pa rin ang biyahe ng mga provincial buses kabilang na ang Albay kaya ang dating van na nawalan din ng biyahe ay liminya na sa ilegal na gawaing ito.


Ang masaklap, maging ang mga pribadong sasakyan tulad ng kotse at SUV (Fortuner, Ford at Montero) ay namamasada na rin na dumagdag pa sa mahigit 300 van na nakatala sa mga iba’t ibang samahan sa naturang lalawigan.


Aktibo ang online booking at lantaran itong namo-monitor ng mga taga-Albay ngunit kapansin-pansing hindi kumikilos ang lokal na pamahalaan at pulisya sa kabila nang pagtaas na ng kaso ng COVID-19.


Sa mga kulorum na ito ay hindi na kailangan ang swab test dahil sa halagang P3,000 hanggang P5,000 depende sa layo ng ruta ay ihahatid pa ang pasahero sa kani-kanilang destinasyon.


Napakalaking sindikato na ng operasyon ng mga kolorum dahil centralized na ang online booking at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-7: 00 gabi ay walang hinto ang pag-alis ng sasakyan mula NCR plus.


Wala ring umiiral na terminal dahil isa-isa nilang sinusundo ang mga pasahero sa mga bahay-bahay base sa mando ng operator online na siyang nakikipagtransaksiyon sa mga nais bumiyahe ng walang problema patungong Albay.


Tinatayang nasa 300 hanggang 400 sasakyan ang labas-masok sa Albay at kung bawat isa ay magbibigay na lamang ng P2,000 para sa lahat na ng check point sa buong lalawigan kada-biyahe ay tumataginting na P800,000 ito sa kabuuan araw-araw.


Ang datos ay impormasyon lamang bunsod nang pangamba ng mga residente at pilit nating ipinipikit ang ating mga mata para huwag maniwala, pero kung patuloy ang operasyon ay paano natin ito maitatanggi?


Naniniwala tayong hindi lahat ng nasa lokal na pamahalaan ay inaabot ng sistemang ito kaya makabubuting pangunahan nila mismo ang paghihigpit para makatulong sa pamahalaan sa kabuuan at sa taumbayan na huwag nang lumaganap ang pandemyang ito.


Sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa mga lagusan ng Albay, ipakita ninyong walang katotohanan ang mga sumbong, ipinatigil ng pamahalaan ang pampublikong biyahe kaya dapat kayo mismo ang magpatupad nito.


Hangga’t may nakalulusot, may nagpapalusot!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page