Pagbenta ng commercial fishing vessels
- BULGAR
- May 30, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 30, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagmamay-ari ng ilang commercial fishing vessels, at ang aking lisensya para rito ay malapit nang mapawalang bisa. Ninanais kong hindi na mag-renew ng nasabing lisensya at ibenta na sa iba ang aking mga commercial fishing vessels dahil ‘di ko na kayang bayaran ang iba kong pananagutan dahil dito. Ano ang dapat kong gawin? –Rickee
Dear Rickee,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 31 ng Republic Act (R.A.) No. 8550 o mas kilala sa tawag na “The Philippine Fisheries Code of 1998”, na imayendahan ng R.A. No. 10654. Ayon dito:
“SEC. 31. Transfer of Ownership. – The owner/operator of a registered fishing vessel shall notify the Department in writing of any intention to transfer the ownership of the vessel within ten (10) days before its intended transfer to another person. Failure of the owner to do so shall not extinguish any existing or pending sanction or liability with respect to said fishing vessel.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang nagmamay-ari o nag-ooperate ng mga rehistradong fishing vessels ay kinakailangang ipaalam sa Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng pagsulat tungkol sa kanyang intensyon na ilipat ang pagmamay-ari sa nasabing vessel sa loob ng 10 araw bago ang itinakdang paglilipat ng pagmamay-ari ng vessel sa ibang tao. Gayundin, kahit hindi magagawa ng nasabing may-ari ng commercial fishing vessel ang pagbibigay-alam sa DA ng paglilipat ng pagmamay-ari sa nasabing vessel, hindi ito magdudulot ng pagkawala ng kanyang mga kasalukuyang pananagutan na may kaugnayan sa kanyang vessels. Kaya sa iyong nabanggit na sitwasyon, kailangan mong ipaalam sa DA ang pagbebenta ng iyong mga fishing vessels upang tuluyang mawala ang iyong responsibilidad sa mga ito. Kung hindi mo ito gagawin, kahit maibenta mo ang iyong fishing vessels sa ibang tao ay mananatili ang iyong pananagutan sa iyong fishing vessels nang naaayon sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments