top of page
BULGARY - FYANG, SINABIHANG ANG KAKAPAL NG MUKHA NG MGA TODO-SUPPORT SA THAI ACTORS KESA M

Kailangan lang magparehistro…‘Matik na sakop ng PhilHealth sina lolo’t lola

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 4, 2021
  • 2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | November 4, 2021





Hello, Bulgarians! Muling ipinagunita ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang lahat ng Pinoy na edad 60 pataas ay ginawaran ng health insurance mula sa ahensiya alinsunod sa Republic Act 10645 at Universal Health Care Law.


Batay sa Section 5 ng RA 10645, ang taunang kontribusyon para sa senior citizens na hindi kabilang sa alinmang membership category ng PhilHealth ay babayaran ng Pamahalaan mula sa koleksiyon ng sin taxes. Nilinaw din ng ahensiya na dapat wala silang regular na pinagkakakitaan para mapabilang sa prebilehiyong ito ng batas.


Nanawagan naman si PhilHealth President and CEO Atty. Dante A. Gierran, sa mga senior citizen na magparehistro na kung hindi pa, o magpa-update ng kanilang record sa PhilHealth.


“Makipag-ugnay lamang sila sa kanilang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) na nakakasakop sa kanila, magsumite sila doon ng accomplished PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at ang OSCA na ang magrerehistro sa kanila,” ani Gierran.


Maghihintay na lamang sila ng tawag kung dumating na ang kanilang Member Data Record mula sa PhilHealth dagdag pa ng hepe.


Maaari rin magparehistro ang senior citizen sa tanggapan ng PhilHealth na malapit sa kanila.


Bukod sa pinunang PMRF, dapat ay dala rin nila ang kanilang Senior Citizen ID o anumang katunayan ng edad at latest 1x1 ID picture.


Ayon sa pinakahuling tala ng ahensiya, tinatayang 8.4 milyong Senior Citizen Members at 1.3 milyong Lifetime Members ang rehistrado, kasama ang pinagsamang bilang ng kanilang qualified dependents na aabot sa 3.3 milyon.


Mula naman Enero hanggang Hunyo 2021, nagbayad ang PhilHealth ng kabuuang P9.408 bilyong benepisyo para sa 988,000 claims ng mga nakatatandang miyembro sa buong bansa.


Ilan naman sa nangungunang kondisyon na binayaran ng PhilHealth ay community-acquired pneumonia, hypertension, cerebral infarction o stroke, urinary tract infection, at congestive heart failure.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page