May kaso pa rin ba kahit ibinalik ang ninakaw?
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 15, 2026

Dear Chief Acosta,
May pagnanakaw pa rin ba kung kumuha ang isang tao ng gamit na hindi kanya, ngunit ibinalik niya ang bagay o nag-iwan ng kapalit nito dahil nakonsensya siya?
— Browny
Dear Browny,
Para sa iyong kaalaman, ang pagnanakaw (theft), ay nakasaad sa Artikulo 308 ng Revised Penal Code of the Philippines (RPC):
“Art. 308. Who are liable for theft. — Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter’s consent.”
Batay sa nasabing probisyon, may pagnanakaw kapag may kumuha ng personal na ari-arian na pagmamay-ari ng iba; ang pagkuha ay ginawa nang may layuning makinabang (intent to gain); walang pahintulot ang may-ari; at walang ginamit na karahasan, pananakot, o puwersa sa mga bagay.
Sa kasong People of the Philippines vs. Belen Mejares (G.R. No. 225735, ika-10 ng Enero, 2018), isinulat ni Kgg. Kasamahang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen), ipinaliwanag ng Korte Suprema na:
“Theft is consummated when three (3) elements concur: (1) the actual act of taking without the use of violence, intimidation, or force upon persons or things; (2) intent to gain on the part of the taker; and (3) the absence of the owner's consent.”
Binigyang-diin din ng Korte Suprema na:
“This Court has been consistent in holding that ‘intent to gain or animus lucrandi is an internal act that is presumed from the unlawful taking by the offender of the thing subject of asportation. [Thus,] [a]ctual gain is irrelevant as the important consideration is the intent to gain.’”
Ibig sabihin, hindi kailangang aktuwal na nagamit, naibenta, o napakinabangan ng kumuha ang bagay na ninakaw. Ang mahalaga ay kinuha niya ito nang walang pahintulot at may layuning makinabang. Kaya naman, kung nakonsensya lamang siya matapos makumpleto ang pagkuha at saka ibinalik ang bagay o nag-iwan ng sariling gamit bilang kapalit, hindi nito binubura ang pagnanakaw na nagawa na.
Sa kasong Aristotel Valenzuela y Natividad v. People of the Philippines (G.R. No. 160188, ika-21 ng Hunyo 2007, sa panulat ni Kgg. na Kasamang Mahistrado Dante O. Tinga), nilinaw ng Korte Suprema na:
“Indeed, we have, after all, held that unlawful taking, or apoderamiento, is deemed complete from the moment the offender gains possession of the thing, even if he has no opportunity to dispose of the same.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments