top of page

Contempt order ng Senado, Kamara, ICI, dapat may power para awtomatikong ikansela passport ng iku-contempt

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


UMABSENT LANG SI COMMISSIONER SINGSON, STOP NA ANG ICI INVESTIGATION, KUNG LAGING GANYAN, KAILAN PA MAPANAGOT ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM? -- Mismong si Independent Commission for Infrastructure (ICI) spokesman Brian Hosaka ang nagsabi na next week ay walang imbestigasyong isasagawa ang komisyon sa mga sangkot sa flood control projects scam dahil isang

linggong absent daw si ICI Commissioner Rogelio Singson.


Ganu’n, umabsent lang si Singson stop muna ang imbestigasyon, eh kailan pa mapapanagot ang mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan kung laging a-absent sa hearing ang isang ICI commissioner?


Aba’y kung uulitin ni Singson na muling umabsent ay dapat tanggalin siya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kasi ang nais ng taumbayan ay mapanagot agad sa batas ang lahat ng sangkot sa flood control projects scam, period!


XXX


HINDI LANG SI SEN. VILLANUEVA ANG LAGOT, PATI SI EX-OMBUDSMAN MARTIRES, YARI, LABAG SA BATAS ANG PAG-ABSUWELTO SA SENADOR -- Hiniling ng Malacanang, sa pamamagitan ni Presidential Communications Office (PCO) Usec., spokesperson Claire Castro kay Ombudsman Boying Remulla na imbestigahan ang inilihim sa publiko, sikretong pag-absuwelto ni dating Ombudsman Samuel Martires noong Sept. 2019 kay Sen. Joel Villanueva na noon pang year 2016 pinatatanggal ng dati ring Ombudsman Conchita Carpio-Morales matapos mapatunayang guilty sa pagkakasangkot sa pork barrel scam ni Janet Napoles.


Kapag natuklasan ni Ombudsman Remulla na may paglabag sa desisyong iabsuwelto si Sen. Villanueva ay hindi lang siya (Villanueva) ang lagot, kundi pati si ret. Ombudsman Martires ay yari rin, abangan!


XXX


BUMALIGTAD NA AGAD SI EX-OMBUDSMAN MARTIRES PORKE NABATIKOS SA PAG-ABSUWELTO KAY SEN. VILLANUEVA, HINDI RAW SIYA DDS, AT MARCOS LOYALIST  -- Dahil nababatikos ngayon si former Ombudsman Martires at pinaratangan siya na isa siyang Duterte Diehard Supporters (DDS), kung kaya raw inabsuwelto si Sen. Villanueva na kaalyado ng pamilya Duterte, ay sinabi ng dating Ombudsman na hindi raw siya DDS o pro-Duterte dahil ang katotohanan daw ay isa siyang Marcos loyalist noon pa na ang presidente ng ‘Pinas ay ang ama ni PBBM na si Pres. Ferdinand Edralin Marcos Sr.

Nabatikos lang, bumaligtad na agad si former Ombudsman Martires, Marcos loyalist daw siya at hindi DDS, boom!


XXX


DAPAT MAGKAROON NG POWER ANG CONTEMPT ORDER NG SENADO, KAMARA AT ICI, SINUMANG IKU-CONTEMPT DAPAT PASAPORTE KANSELAHIN AGAD NG DFA -- Dapat gumawa ng batas ang Kongreso na magkaroon ng power ang contempt order ng Senado, Kamara at ICI, na ang sinumang mapapatawan ng contempt na tatakas palabas ng Pilipinas para magtago sa ibang bansa ay awtomatikong kakanselahin ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte.


Kapag may ganyan ng batas, madali nang made-deport pabalik sa ‘Pinas ang mga tulad nina former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at former presidential spokesman Harry Roque na tinatakasan ang mga kasong kinakaharap nila, ibig sabihin tinatakasan ang batas sa bansa, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page