Cong. Zaldy Co ‘pag hindi na umuwi, dapat kasuhan para bitbitin ng Interpol pabalik ng ‘Pinas
- BULGAR

- Sep 19
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 19, 2025

KUNG ‘DI NAG-‘AMEND’ SI SEN. ESCUDERO NG P142.7B AT ‘DI RIN NAG-‘INSERT’ SI CONG. ZALDY CO NG P13.8B SA NATIONAL BUDGET SAFE SANA SILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Todo-depensa si former Senate President Chiz Escudero sa ibinulgar ni Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno na siya (Escudero) at si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, former House chairperson on Appropriations ang mga pasimuno ng pork barrel insertions sa 2025 Dept. of Public Works and Highways (DPWH) budget, na kalaunan na ang mga isiningit umano na "pork" na ito ay ini-award ng kagawaran (DPWH) sa mga sindikatong kontratista na sangkot sa mga flood control project scam.
Depensa ni Escudero, nais lang daw ni Cong. Puno na linisin ang pangalan ni former Speaker Martin Romualdez sa flood control projects scam kung kaya’t isinasangkot siya sa pork barrel insertions at inilalaglag si Cong. Zaldy Co.
Una nang ibinulgar nina Senate President Tito Sotto at Sen. Ping Lacson na may isiningit si Sen. Chiz na P142.7 billion sa 2025 national budget, na ang naging depensa niya (Escudero) rito ay “amendments” lang umano ang ginawa niya at hindi raw ito “insertion”, at sa parte naman ni Cong. Co, garapalan itong ‘nagsingit’ ng P13.8B pork barrel para pang-flood control projects sa mga construction firm na pag-aari ng kanyang pamilya.
Kung hindi sana “nag-amend” si Sen. Chiz ng P142.7B at hindi rin nag-insert si Cong. Co ng P13.8B sa 2025 national budget, ay safe sana sila, hindi nakakaladkad ang kanilang pangalan sa flood control projects scam, at wala sanang naibabatong alegasyon sa kanila si Cong. Ronnie Puno, period!
XXX
KAPAG HINDI NA BUMALIK SI CONG. ZALDY CO, SAMPAHAN NA SIYA NG KASO PARA BITBITIN NG INTERPOL PABALIK NG BANSA -- Pinayuhan ni presidential son, House Majority Leader, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos si Cong. Zaldy Co na bumalik na sa Pilipinas para sagutin ang alegasyon ng corruption sa kanya na may kaugnayan sa P13.8B pork barrel insertions at flood control project scam.
Kaya kapag hindi na umuwi sa ‘Pinas si Cong. Zaldy Co ay nangangahulugan ito na sangkatutak na pera ng bayan ang kanyang nakulimbat kaya’t dapat sampahan na siya ng patong-patong na kaso para hulihin ng Interpol at bitbitin pabalik ng bansa, boom!
XXX
CURLEE DISCAYA LAGING NAGSISINUNGALING SA SENATE HEARING AT HOUSE HEARING -- Sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay nagsinungaling na naman ang kontraktor na si Curlee Discaya nang sabihin niya na kaya raw hindi nakadalo sa Senate hearing ang misis niyang si Sarah Discaya ay dahil may sakit daw ito, pero nang basahin ni Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang liham sa kanya ni Mrs. Discaya na kaya raw siya hindi makakadalo sa Senate investigation ay dahil may meeting daw siya sa mga empleyado ng kanilang kumpanya.
Mapa-Senate hearing, mapa-House hearing, ipinakikita talaga ni Curlee sa publiko na nuknukan siya ng sinungaling, na ayon nga kina Sen. Kiko Pangilinan at Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi talaga puwedeng maging state witness ang, “sinungaling, kapatid ng magnanakaw” at ang “sinungaling, asawa ng magnanakaw,” boom!
XXX
TAMA ANG DESISYON NG SC NA I-MARATHON HEARING ANG KASO SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM PARA MAKULONG AGAD SILA -- Tiniyak ng Supreme Court (SC) na magpapairal ang korte ng fast-track o marathon hearing sa mga kasong isasampa sa mga sangkot sa flood control project scam.
Dapat lang, para forthwith o agad-agad makulong ang mga nagsabwatan sa pang-scam sa kaban ng bayan at mabawi ng pamahalaan ang lahat ng pera ng bayan na kinulimbat ng mga sinasabing sindikatong kontraktor, DPWH officials at mga proponent na mga pork barrel politicians, period!







Comments