Cong. Pulong, na-bash sa isyung hindi naman siya ang pinatatamaan
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 4, 2026

SABLAY ANG ILANG TESTIGO NG HOUSE PROSECUTORS PANEL KAYA MAGBABAWAS SILA NG WITNESSES VS. VP SARA – Inanunsyo ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na babawasan o tatanggalin nila ang ilan sa 13 testigo sa impeachment court kaugnay ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Tila naramdaman ng House prosecutors panel na may kahinaan ang ilan sa kanilang mga testigo laban kay VP Sara kaya nais na nilang huwag na itong iharap sa impeachment court. Boom!
XXX
2 JUSTICES NG SANDIGANBAYAN NA NAG-GRANT NG BAIL KAY EX-SEN. REVILLA, DAPAT MAG-INHIBIT – Matapos putaktihin ng batikos ng publiko ang Sandiganbayan dahil sa desisyon nitong payagang makapagpiyansa si dating Sen. Bong Revilla sa halagang P1 milyon, agad na nagbigay-linaw si Associate Justice Karl Miranda na sa tatlong miyembro ng 3rd Division ng Sandiganbayan, siya lamang ang kumontra sa hiling na bail dahil naniniwala siyang malakas ang ebidensya laban sa dating senador.
Aniya, sina Associate Justice Fritz Bryn Anthony Delos Santos at Associate Justice Ronald Moreno ang bumoto pabor sa piyansa dahil kapwa nila itinuring na mahina ang ebidensya ng Ombudsman. Dahil 2-1 ang naging boto, naaprubahan ang hiling ni dating Sen. Revilla na makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang kasong P90 milyong malversation through falsification of public funds na may kaugnayan sa umano'y "ghost" flood control project laban kay dating Sen. Revilla ay nagpapatuloy. Dahil nababatikos ngayon ang Sandiganbayan sa pagpayag na makapagpiyansa ang dating senador, ang pinakamainam na gawin nina Justice Delos Santos at Justice Moreno ay mag-inhibit sa kaso upang mawala ang pagdududa ng publiko sakaling sa darating na panahon ay maabsuwelto si dating Sen. Revilla. Period!
XXX
CONG. PULONG, NA-BASH SA PAG-REACT SA SINABI NI DEFENSE SEC. TEODORO NA MAG-RESIGN ANG MGA OPISYAL NA PRO-CHINA – Umuusok sa galit si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa sinabi ni Defense Secretary Gibo Teodoro na dahil sa patuloy na pangha-harass ng China Coast Guard (CCG) sa mga sundalo at mangingisdang Pinoy, dapat umanong magbitiw sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na pro-China. Ayon sa Davao congressman, "Bakit parang ginagawang demonyo ang China?" kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Sana ay hindi na lang nagbigay ng reaksyon si Cong. Pulong sa pahayag ni Sec. Teodoro dahil wala naman itong tinukoy na pangalan. Dahil nag-react ang kongresista, naputakti tuloy siya ng pambabatikos ng mga netizen sa social media dahil, batay sa kanyang pahayag, lumalabas na pro-China talaga siya. Tsk!
XXX
TONGPATS COLLECTOR SA CAMANAVA, DAPAT IPA-TOKHANG NA KASI AYAW MAGLUBAY SA 'TONGPATS COLLECTION' – Hindi pa rin naglulubay sa umano'y raket nitong "tongpats collection" ang isang "Roy Pulis" sa mga ilegalista sa CAMANAVA.
Kailan kaya ito ipapa-Tokhang ni Northern Police District (NPD) director Brig. Gen. Benliner Capili? Abangan!





Comments