Cong. Kiko, hindi na suspensyon lang kundi posibleng patapos na ang political career
- BULGAR

- Apr 30
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 30, 2026

CONG. KIKO, BAKA HINDI NA SUSPENDIHIN NG KAMARA, BAKA PATALSIKIN NA BILANG CONGRESSMAN – Naghain ng dalawang ethics complaint si Iloilo 1st District Rep. Janet Garin laban kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga dahil sa umano’y patuloy nitong pag-atake sa House of Representatives (HoR) at pagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang kinatawan ng kanyang distrito.
Ito na ang ikaapat na ethics complaint laban kay Cong. Kiko. Dahil dito, posibleng hindi na lamang suspensyon ang ipataw sa kanya ng Kamara, kundi tuluyan na siyang mapatalsik sa puwesto bilang kongresista ng Cavite 4th District. Abangan!
XXX
‘PAG NASA SENADO NA ANG ARTICLES OF IMPEACHMENT, DITO NA KAYA MULING UMAKSYON ANG SC PARA IPA-STOP ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA? – Hindi inaksyunan ng Korte Suprema ang lahat ng hirit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ipahinto ang impeachment proceedings ng House Justice Committee.
Gayunman, hindi ito dapat ikatuwa ng Kamara. Kapag naisampa na sa Senado ang Articles of Impeachment, posibleng doon pa lamang umaksyon ang Korte Suprema. Tulad ng nangyari noong nakaraang taon, nang ipahinto nito ang impeachment proceedings habang tinatalakay na ng mga senador ang iskedyul ng paglilitis, dahil sa mga isyung teknikal gaya ng paglabag sa one-year bar rule at kakulangan ng due process para kay VP Sara. Period!
XXX
SABIHIN NA KAYA NI CONG. ROMUALDEZ ANG PINAKA-MASTERMIND SA FLOOD CONTROL SCANDAL KAPAG NAGIPIT NA SIYA NANG HUSTO SA ANOMALYANG ITO? – Sa pahayag ni Leyte 1st District Representative at dating Speaker na si Martin Romualdez noong Abril 21, 2026, matapos siyang pangalanan ni Ombudsman Boying Remulla bilang isa umano sa mga mastermind sa flood control scandal, iginiit niyang hindi siya papayag na gawing “scapegoat” sa nasabing anomalya.
Matindi ang pahayag na ito ni Romualdez. Kaya ang tanong: bukod sa sinabi niyang sina dating Senate President Chiz Escudero at dating Cong. Zaldy Co ang nasa likod ng umano’y scam sa flood control projects, kapag lalo pa siyang nagipit, may ilalantad pa kaya siyang iba pang itinuturing na “pinaka-mastermind” sa isyung ito? Abangan!
XXX
WALANG KARISMA SA MASA SI SEN. RISA HONTIVEROS KAYA'T HINDI RAW ITO MAGIGING PRESIDENTE NG ‘PINAS – Ayon sa political analyst na si Atty. Ed Chico, dapat na raw kalimutan ni Sen. Risa Hontiveros ang ambisyon niyang maging pangulo dahil malabo umano itong mangyari.
Giit ni Atty. Chico, kulang daw sa karisma sa masa ang senadora, kaya posibleng hindi siya iboto ng nakararaming Pilipino sa 2028 presidential election. Boom!




Comments