top of page

Cong. Kiko Barzaga, sa takot na putaktihin ng mga kasong cyberlibel, atras na sa pag-atake kay Razon at NUP members sa isyu ng suhulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 28, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA EDAD NA 81, BUHAY NI FPRRD, MAAARING MAAPEKTUHAN NG 8-10 TAONG TRIAL AT LIFE SENTENCE — Bad news para sa pamilya Duterte at sa kanilang mga diehard supporters  ang inilabas ng International Criminal Court (ICC). Base sa assessment ng ICC medical expert, kaya raw ng dating presidente na humarap sa pre-trial proceedings sa kasong kinakaharap niya na crimes against humanity.

Ibig sabihin, tinuldukan na ng ICC ang mga hiling ng defense team para sa interim release ni FPRRD. Kapag nagsimula na ang paglilitis, maaaring tumagal ito ng 8 hanggang 10 taon. Masaklap pa, kung mahatulan siya ng guilty, karaniwan sa ganitong kaso ay life sentence ang ipinapataw, at kung mabigyan man ng parole, maaari lamang ito matapos ang 30 taon sa piitan.


Sa edad ni FPRRD na 81, ang tagal ng paglilitis at posibleng pagkakakulong ay nangangahulugan na ang natitirang bahagi ng kanyang buhay ay gugugulin sa ICC jail. Hindi maikakaila, ito ay isang matinding dagok para sa pamilya Duterte at sa kanilang mga DDS. Tsk!


XXX


SA TAKOT NI CONG. KIKO BARZAGA NA MAS PUTAKTIHIN PA NG MGA KASONG CYBERLIBEL, ATRAS NA SIYA SA PAG-ATAKE KAY RAZON AT NUP MEMBERS SA ISYU NG SUHULAN – Matapos sampahan ng sunud-sunod na kasong cyberlibel nina billionaire Enrique Razon, National Unity Party (NUP) president at Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno, at NUP member na Manila City 2nd District Rep. Rolan Valeriano, nag-lie low na si suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.

Ito ay matapos ang kanyang pag-atake sa nabanggit na bilyonaryo at sa mga miyembro ng NUP kaugnay sa isyung suhulan para ibotong House Speaker nuong si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.


Ibig sabihin, natakot si Cong. Barzaga na masampahan pa siya ng karagdagang kasong cyberlibel mula sa mga miyembro ng NUP, kaya’t umatras na siya sa pag-atake sa kanila. Boom!


XXX


TILA MAS GANADO ANG MAKABAYAN BLOC NA MA-IMPEACH SI PBBM KAYSA KAY VP SARA – Matapos sampahan ng Makabayan bloc ng impeachment complaint si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na plano rin nilang sampahan ng impeachment si Vice President Sara Duterte. Ayon sa kanya, hindi lamang siya sigurado kung susuportahan ito ng majority ng mga kongresista.

Kumbaga, mas binigyang-diin ni Cong. Tinio na mas interesado ang Makabayan bloc na ma-impeach si PBBM kaysa kay VP Sara. Period!


XXX


SABLAY ANG PABIDA NG MARCOS ADMIN NA KAKASUHAN ULI PARA PABALIKIN SA ‘PINAS SI VLOGGER VITALY – Sablay ang pabida ng Marcos administration nang ipahayag nila na kapag napatunayan ang alegasyon na nagbigay ng suhol sa mga immigration guards si Vitaly Zdorovetski — na dineport sa Russia para makapasok ng cellphone at makapag-vlog sa loob ng piitan — ay kakasuhan uli ito ng gobyerno para maibalik sa Pilipinas.


Sablay talaga, kasi ang mga wanted na Pinoy na may warrant of arrest na parehong kumpirmadong nasa Europe, tulad nina former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at former presidential spokesman Harry Roque, ay hindi rin maaresto ng Marcos admin para maibalik sa ‘Pinas. Eh paano pa kaya ang Russian vlogger na ngayon ay nasa Russia na? Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page