Kung ang ibang celebs, sa Hong Kong… UNVEILING NG WAX FIGURE NI KATHRYN, SA ‘PINAS GAGAWIN
- BULGAR

- Jun 24
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | June 24, 2026

Photo: IG Madame Tussauds Hong Kong / Circulated FB
May paglilinaw sa unveiling ng Madame Tussauds wax figure ni Kathryn Bernardo. Hindi ito sa Hong Kong gagawin kundi sa Glorietta Palm Drive Activity Center sa Makati.
Sa July 9, 2026 pa rin ang unveiling at hindi na kailangang lumipad pa-Hong Kong ang mga fans ni Kathryn.
Nalito lang kami dahil may nagsabing dadalhin ang wax figure ni Kathryn mula Hong Kong at ibabalik doon pagkatapos ng unveiling. May nagsabi namang dito mismo manggagaling ang wax figure at dadalhin sa Hong Kong pagkatapos ng unveiling.
Pero parang mas tama na galing sa Hong Kong ang wax figure at dadalhin dito para sa unveiling saka ibabalik doon.
Parang hindi rito ginawa ang Madame Tussauds wax figures nina Lea Salonga, Manny Pacquiao, Pia Wurtzbach, Catriona Gray at Anne Curtis. Sa Hong Kong talaga ginawa at pumunta na lang doon ang mga nabanggit para sa unveiling.
First time na rito gagawin ang unveiling ng Madame Tussauds wax figure, kaya tuwang-tuwa ang mga fans ni Kathryn. Hindi na sila gagastos sa airplane ticket at kailangang agahan na lang nila ang pagpunta sa venue sa nasabing petsa para nasa unahan sila.
Ramdam ang excitement ni Kathryn nang i-announce ang nalalapit na unveiling ng wax figure niya.
“I can’t wait for you all to see my Madame Tussauds Hong Kong wax figure,” sey ni Kathryn Bernardo.
Concert Queen duling, nilait ng mga netizens… GUMAWA NG STATUE NI POPS AT IBANG CELEBS SA STARTISTA GALLERY, PROUD PA
Nasa Las Vegas daw si Pops Fernandez, kaya siguro hindi siya mainterbyu at mahingan ng reaksiyon sa ingay na dala ng kanyang statue sa Startista Gallery.
Naka-display ang statue ni Pops at iba pang celebrities sa Star City at naka-post online, kaya kahit ang hindi pa nakabisita, nakita na ang statue niya.
Marami ang nag-react dahil hindi raw kamukha ni Pops ang statue at may mga puna sila na bakit daw parang duling si Pops sa statue niya at kung anu-ano pang comments.
Nangako ang nasa likod ng Startista Gallery na aayusin ang statue ni Pops at kumuha sila ng bagong artist para ayusin ito.
Dahil sa balitang ito, nag-request ang mga fans na ayusin na rin ang statue nina Rhian Ramos, Angel Aquino at iba pang statues na malayo raw sa mga celebrities na pinagbasehan.
Si Pops, nag-post ng picture niya na short hair at parang statue rin yata. Ang caption niya sa post ay: “Sana po, ganito man lang,” at sinamahan ng laughing at peace emojis.
Ang emojis ay para siguro sa management ng Star City at sa artist na gumawa ng statue niya para huwag magalit at huwag masamain ang kanyang suhestiyon.
Tama naman, aayusin din naman ang statue.
Nag-react din ang anak ni Pops na si Robin Nievera at ang sabi, “Damn. I thought my mom’s was bad.” Ang dating nito sa mga nakabasa, hindi lang ang statue ni Pops ang may problema, pati ang iba pang statue.
May mga binanggit ang mga netizens na statue na dapat ding ayusin at sana, makarating sa Star City at gawan nila ng paraan.
Sabi ni Jerry Santos, ang lead artist ng Startista Gallery, sa Facebook (FB) post nito, “Marami mang nanlait sa mga social media posts, nakita naming masaya sa resulta ang client (Star City) at ang mga celebrity na pinagbasehan namin. ‘Yun ang pinakaimportante sa lahat. Salamat po sa tiwala.”
Ikinalungkot ni Jerry ang mga kritisismo, pero tinatanggap daw niya at ng mga artists. Huwag lang daw sobrang harsh dahil nasasaktan ang mga artist na gumawa ng mga statues.
Four months nila itong ginawa at, in fairness, ‘yung mga head na kanilang ginawa ay kamukha ng mga celebrities.
Sabi pa nito, bago mag-judge, bisitahin muna ang Startista Gallery. Para kay Mr. Santos, isa ito sa best projects ng kanyang grupo.
NAGPAHAYAG ng saloobin si Karla Estrada sa nangyari sa Tacloban City, ang kanyang probinsiya.
Aniya, “Bilang isang lingkod-bayan, ina at Taclobanon na nagtataguyod ng kapayapaan, mariin kong kinokondena ang naganap na pamamaril sa San Jose National High School. Ang ating mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar para sa bawat bata. Nananawagan ako ng agaran at konkretong hakbang upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa ating komunidad.”
Sinundan ni Karla ang kanyang mensahe ng “Pag-ampo para han pamilya han mga biktima ngan tanan nga mag-estudyante.”
Ang ibig sabihin nito ay “Dasal para sa pamilya ng mga biktima at lahat ng estudyante.”
Limitado ang puwedeng mag-comment sa post na ito ni Karla Estrada. Sana, i-open niya para malaman natin ang saloobin ng mamamayan. Siguradong marami ang magko-comment sa nangyari.





Comments