top of page
BULGARY - FYANG, SINABIHANG ANG KAKAPAL NG MUKHA NG MGA TODO-SUPPORT SA THAI ACTORS KESA M

Concepcion, isinulong ang no-quarantine para sa mga biyahero mula North America

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2, 2021
  • 3 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | November 2, 2021





Hello, Bulgarians! Dahil pinagpapaliban ng mga biyahero mula North America ang pagbiyahe sa Pilipinas ngayong Kapaskuhan bunsod ng matagal na quarantine, hiniling ni Presidential Adviser for Entrepreneurship and Go Negosyo founder Joey Concepcion sa IATF na alisin na ang requirement na quarantine sa isang pasilidad sa parating na mga bakunadong Pilipino.


Sa panukala ni Concepcion, ang mga biyahero mula US at Canada, dapat magpasuri 48-oras bago umalis, Pagdating ng Pilipinas, muli silang sasailalim sa pagsusuri, na maaaring gawin sa kanilang bahay kapag sila’y nakatira sa Greater Manila area o sa quarantine hotel kung wala silang lugar na titirhan. Ang panuklang ito ay mangangailangan ng kumpirmadong schedule ng test mula sa mga pasahero.


“Ito’y malaking kabawasan na sa dating requirement na limang araw na pananatili sa isang quarantine hotel bago ang testing. Ngayon, kailangan lang nilang manatili ng isang araw sa hotel kung hindi maaaring gawin ang testing sa kanilang bahay,” wika ni Concepcion.


Hindi kasama ang US at Canada sa mga bansang nasa green list ng Pilipinas. Ibig sabihin nito,

kahit kumpleto na ang bakuna ng mga biyahero mula US at Canada, kailangan pa rin nilang sumailalim sa COVID test matapos manatili ng limang araw sa isang quarantine facility. Habang ang mga hindi bakunado, hindi kumpleto ang bakuna at maging hindi alam ang estado ng pagbabakuna ay kailangang manatili ng pitong araw sa quarantine bago sumailalim sa pagsusuri.


“Marami sa ating mga kababayan ang pinagpapaliban ang planong bumalik dito at makapiling ang kanilang pamilya ngayong Pasko. Nais nating makatipid sila sa gastusin kaya ipinapanukala atin ang mas madaling sistema kung saan susuriin sila bago umalis at home quarantine pagdating. Maaari na lang gawin ang RT-PCR sa kanilang tahanan,” wika ni Concepcion.


Kapag napaluwag na ang patakaran sa testing at quarantine ng mga pasahero mula sa US at Canada, magiging kampante at makatitipid na sila sa gastusin sa biyahe, makatutulong pa sila sa lalong pagpapalakas ng ekonomiya bago matapos ang taon.


“Maaari natin itong gawin upang mabigyan ng kapayapaan sa pag-iisip ang mga nagbabalik na mga Pilipino at kanilang mga mahal sa buhay at pamilya na kanilang uuwian. Pagdating naman sa maari nilang gastusin ngayong Kapaskuhan, maraming negosyo ang makikinabang rito,” wika ni Concepcion.


Sinabi ni Concepcion na nakikipag-ugnayan na siya sa flag carrier ng bansa, ang Philippine Airlines (PAL), para maihanda na rin ang testing laboratories nito para sa posibleng pagtaas ng demand para sa testing.


Kamakailan, nag-organisa si Concepcion ng pulong sa pagitan ng Department of Foreign Affairs, Department of Transportation, Philippine Ambassador sa Estados Unidos, mga eksperto mula sa OCTA Research group, at mga kinatawan at opisyal ng iba’t ibang local airlines, kabilang ang PAL.


Sa nasabing pulong, ilang solusyon ang inilatag para maresolba ang mga problemang kinahaharap ng mga parating na pasahero mula North America. Kabilang sa mga solusyon ay ang tinatawag na frontloading ng proseso ng testing bago dumating ang mga pasahero sa bansa at pagdaragdag ng international gateways para mabawasan ang dagsa ng biyahero sa NAIA terminals.


Sa mga solusyong ito, inaasahang mababawasan ang panahon ng paghihintay ng mga darating na pasahero sa NAIA, na karamihan ay nanatili na ng ilang oras sa mga eroplano at kailangan na namang pumila ng ilang oras para sa testing sa airport at manatili ng mahabang panahon sa isang quarantine facility.


Sa nasabing pulong, ibinahagi ni US Ambassador Jose Romualdez na 90 porsiyento ng US-based Pinoys ay nabakunahan na at gusto nang bumiyahe sa Pilipinas ngunit nag-aalala sa quarantine protocols na ipinataw sa mga bansa na wala sa Green list gaya ng US.


Batay sa data mula sa PAL, makikita na ang positivity rates sa hanay ng inbound passengers mula sa North America ay napakababa. Napansin naman ng OCTA Research na pawang local transmissions ang halos lahat ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayon. Dahil wala na ring bagong variants of concern mula sa Delta, sinabi nito na dapat na ring ikonsidera ang mga panganib na posibleng idulot ng mga biyahero mula North America.


Sinabi rin ni Concepcion na ang pagpapaluwag ng proseso para sa mga uuwing Pilipino at iba pang biyahero ay pakikinabangan din ng maraming MSMEs, na karamihan ay umaasa na lalakas ang aktibidad ng ekonomiya dahil sa paggastos ngayong Kapaskuhan.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page