top of page

“Compulsory heir” o sapilitang tagapagmana, maaaring pagkaitan ng mana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | january 6, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang aking ama ay isang matagumpay na negosyante. Noong siya ay nabubuhay pa, siya ay gumawa ng isang notaryadong testamento (notarized last will and testament) kung saan malinaw niyang ipinahayag na itinatakwil niya ang aking nag-iisang kapatid na si Allan at hindi niya ito pamamanahan sapagkat, diumano, paulit-ulit siyang sinaktan nito — pisikal at berbal. Ang nasabing testamento ay tahasang nagbanggit ng mga tiyak na pangyayari at petsa ng mga pananakit na ginawa laban sa aking ama.


Matapos pumanaw ang aking ama, ang nasabing testamento ay iniharap sa hukuman para sa probate o pagpapatunay ng bisa nito. Tinutulan ni Allan ang testamento, itinangging sinaktan niya ang aking ama at iginiit na siya ay isang sapilitang tagapagmana (compulsory heir) na hindi maaaring alisin sa kanyang karampatang mana (legitime), at na ang diumano’y pagtatakwil ay bunga lamang ng pagkiling ng aking ama sa akin. Gayunman, sa paglilitis ng kaso, ilang mga saksi ang tumestigo laban sa kanyang mga pahayag. Tama ba si Allan? — Kimmie



Dear Kimmie,


Mali si Allan at balido ang hindi pagbibigay kay Allan ng kanyang mana bunga ng pagtatakwil (disinheritance). Ayon sa mga Artikulo 915 hanggang 919 ng New Civil Code (NCC):


“Article 915. A compulsory heir may, in consequence of disinheritance, be deprived of his legitime, for causes expressly stated by law. 

Article 916. Disinheritance can be effected only through a will wherein the legal cause therefore shall be specified. 

Article 917. The burden of proving the truth of the cause for disinheritance shall rest upon the other heirs of the testator, if the disinherited heir should deny it. 

Article 918. Disinheritance without a specification of the cause, or for a cause the truth of which, if contradicted, is not proved, or which is not one of those set forth in this Code, shall annul the institution of heirs insofar as it may prejudice the person disinherited; but the devises and legacies and other testamentary dispositions shall be valid to such extent as will not impair the legitime. 

“Article 919. The following shall be sufficient causes for the disinheritance of children and descendants, legitimate as well as illegitimate: 

(6) Maltreatment of the testator by word or deed, by the child or descendant;”


Base sa nasabing probisyon ng batas, ang isang sapilitang tagapagmana (compulsory heir) ay maaaring mawalan ng kanyang legitime bunga ng pagtatakwil (disinheritance), kung ito ay batay sa mga dahilan na tahasang nakasaad sa batas.  Ang pagtatakwil ay maaari lamang isagawa sa pamamagitan ng isang testamento (will) kung saan dapat tukuyin ang legal na dahilan nito. Ang pagmamaltrato sa testador sa salita o sa gawa ng anak o inapo ay itinuturing na sapat na dahilan upang itakwil at tanggalan ng mana ang anak.


Gayundin, sa kasong Dy Yieng Seangio vs. Hon. Amor A. Reyes, et al., G.R. Nos. 140371-72, Nobyembre 27, 2006, sinabi ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Adolfo S. Azcuna na upang maging balido ang pagtatakwil, hinihingi ng Artikulo 916 ng New Civil Code (NCC) na ito ay dapat isagawa sa pamamagitan ng isang testamento kung saan nakasaad ang legal na dahilan. Kaugnay sa mga dahilan ng pagtatakwil na tinukoy ni Segundo sa kanyang dokumento, naniniwala ang Korte na ang mga pangyayaring iyon, kung titingnan nang buo, ay maaaring ituring na isang uri ng pagmamaltrato kay Segundo ng kanyang anak na si Alfredo, at ito ay sapat na dahilan para sa pagtatakwil sa anak o inapo alinsunod sa Artikulo 919 ng nasabing batas.


Batay sa mga nabanggit, ang diumano’y pagmamaltratong ginawa ni Allan  sa iyong ama ay isang balidong batayan ng pagtatakwil alinsunod sa Artikulo 919 ng NCC. Saad din ng Artikulo 915 ng NCC na ito ay naaangkop sa mga sapilitang tagapagmana gaya ng sitwasyon ni Allan. Sinunod ng iyong ama ang pormal na rekisito nang kanyang ipanotaryo ang testamento at tinukoy rito ang dahilan ng pagtatakwil at ang mga pagkakataon ng pagmamaltrato o pang-aabuso laban sa kanya. Ang mga ito ay napatunayan din sa proseso ng probate.  Dahil dito, hindi karapat-dapat si Allan sa kanyang legitime.


Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page