Col. Lachica, dapat ipatawag ng impeachment court para magkaalaman na
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 29, 2026

HIRIT NA PANIBAGONG BSKE POSTPONEMENT NG MARCOS ADMIN BAKA KONTRAHIN NA NG SC AT MAGDESISYONG ITULOY NA ANG BARANGAY ELECTION SA NOV. 2, 2026 — Kapag pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,(PBBM) para maging ganap na batas ang ipinasang panukalang-batas ng Senado at kamara na nagpapaliban sa November 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) at gagawin ito sa November 2028 ay malamang kontrahin ito ng Supreme Court (SC), na ibig sabihin posibleng ipapatuloy ng Korte Suprema ang nakatakdang BSKE sa November 2, 2026.
Kaya natin nasabing posibleng kontrahin ng SC ang panibagong hirit na BSKE postponement ay dahil baka mabuwisit na ang Korte Suprema sa Marcos administration na para na silang inuunggoy-unggoy, kasi nga pinagbigyan na ng mga mahistrado ang hirit noon ng gobyernong Marcos na ipagpaliban ang nakatakdang BSKE noong December 1, 2025, nagdesisyon ang mga justices na gawin ang halalang pambarangay sa November 2, 2026, at ngayon nalalapit na ang barangay election na ito, hihirit na naman ng Marcos admin ng panibagong postponement.
Kaya nga sa mas malamang, tuloy ang BSKE sa November 2, 2026, period!
XXX
TIYAK PUPUTAKTIHIN NG BATIKOS SI PBBM KAPAG HINDI ITINULOY NG OMBUDSMAN ANG PAGSASAMPA NG KASONG PLUNDER KAY CONG. ROMUALDEZ — Nanawagan ang kampo ni Leyte 1st Dist. Rep., former Speaker Martin Romualdez sa Office of the Ombudsman na huwag nang ituloy ang pagsasampa ng kasong plunder sa dating speaker dahil binawi naman na raw ni ret. Marine Sgt. Orly Guteza at ng apat pang dating security escorts ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang nauna nilang alegasyon na nagdeliber sila ng male-maletang may pera sa bahay ni Cong. Romualdez.
Kaya kung sakaling hindi na ituloy ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay Cong. Romualdez ay tiyak magbu-boomerang ito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., asahan na ng Presidente na puputaktihin siya ng batikos ng mamamayan, period!
XXX
KUNG AYAW NG PROSECUTION PANEL AT DEFENSE TEAM GAWING TESTIGO SI COL. LACHICA, DAPAT IMPEACHMENT COURT NA ANG MAGPATAWAG SA ARMY COLONEL PARA TUMESTIGO SA IMPEACHMENT TRIAL — Parehong atubili ang House Prosecution Panel at defense team ni Vice Pres. Sara Duterte sa pagkuha kay army Col. Dante Lachica, head security ni Vice Pres. Sara Duterte bilang testigo sa impeachment trial.
Ayon sa prosecution panel, kuntento na raw sila sa mga naging pahayag ng dalawang dating bank managers ng Landbank of the Philippines, ng dalawang taga Commission on Audit (COA) at ng dalawang staff ni VP Sara na sina Gina Acosta at Lemuel Ortonio kaya't hindi na raw nila kailangan ang testimonya ni Col. Lachica, at sa panig naman ng defense team ng bise presidente ay pinag-aaralan pa raw nila kung kukunin nilang testigo sa impeachment trial ang army colonel.
Kung parehong ayaw ng prosecution panel at defense team na gawing testigo si Col. Lachica ay dapat mismong impeachment court na ang magpatawag sa army colonel para malaman ng taumbayan kung saan niya dinala ang mahigit kalahating bilyong pisong confi funds na ayon kina Acosta at Ortonio ay sa kanya ito ipinagkatiwala ni VP Sara, boom!
XXX
SANA TOTOONG BIBILHIN NG NFA SA MATAAS NA PRESYO ANG PALAY NG MGA MAGSASAKA AT HINDI BABARATIN — Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na simula next month (September) ay bibilihin na nila ang aning palay ng mga magsasaka sa mataas na presyo.
Sana nga totoo iyan, kasi baka kapag bilihan na ng palay, baratin uli ng NFA ang aning palay ng mga magsasaka, period!





Comments