Co-host sa It’s Showtime, nag-PBB, agaw-eksena lagi… CIANNE, PINAGPAPARES-PARES ANG MGA CO-HOUSEMATES SA PBB, NA-BASH

ni Beth Gelena @Bulgary | November 1, 2026

Photo: IG _ciannedominguezz
Hindi pa man gaanong nag-uumpisa ang journey ni Cianne Dominguez sa loob ng Bahay ni Kuya, kaliwa’t kanan na agad ang puna at pambabatikos na natatanggap niya mula sa mga netizens.
Sa halip na ang pagiging housemate niya sa Pinoy Big Brother: Collab 3.0 (PBB3.0) ang pagtuunan ng pansin, tila mas naging interesado ang ilang netizens na halungkatin ang mga dati nang kontrobersiyang kinasangkutan ng Kapamilya host.
Isa sa mga kinukuwestiyon ng mga netizens ang pagsali ni Cianne sa PBB gayung regular co-host na siya ng It’s Showtime (IS).
Hindi rin nakaligtas sa kanilang mga komento ang pagsali niya sa Century Tuna Superbods Era 2026 noong Setyembre, kung saan umabot siya sa Top 8 finalists at nakakuha ng dalawang special awards.
Nagtataka ang mga netizens kung bakit tila sunud-sunod ang pagkakataong ibinibigay kay Cianne na mapabilang sa iba’t ibang programa at kompetisyon.
Pinuna rin ang kakayahan niya sa hosting at personalidad. May ilan ding nakapansin noon sa tila hindi magandang biruan nina Vice Ganda at Cianne sa noontime show, dahilan para magkaroon ng espekulasyon na hindi raw sila gaanong magkasundo.
Gayunman, wala namang kumpirmasyon na may personal na alitan ang dalawa.
Pero ang mas mabigat na kontrobersiyang muling ibinato kay Cianne ay ang lumang social media posts ng kanyang amang si Johng Florendo tungkol sa sinabi nitong ‘cat hunting’.
Hindi nagustuhan ng maraming animal lovers ang mga caption ng ama niya tungkol sa paghahanap ng mga pusa gamit ang alagang aso. Para sa kanila, hindi dapat ginagawang katatawanan ang kapakanan ng mga hayop o sinasaktan ang mga ito, lalo na ang mga pusang gala.
Noong Abril 20, naglabas na ng pahayag si Cianne tungkol dito. Ayon sa kanya, naipaliwanag na ang isyu noong nakaraang taon at humingi na rin ng paumanhin ang kanyang ama dahil sa bad joke na ito.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga hindi niya personal na nasagot at iginiit na iyon na ang kanyang huling pahayag tungkol sa kontrobersiya.
Ngayong nasa PBB3.0 na siya, muling nabuhay ang usapin at nadagdagan pa ng mga komentong pumupuna sa kanyang hitsura at personalidad.
May mga netizens pang nagkomento tungkol sa pagkakaiba ng natural at artipisyal na kagandahan, habang ang iba naman ay nagbiro na iba raw talaga ang nagagawa ng pera.
At nitong mga nakaraang araw, na-bash siya nang todo dahil gumagawa ng love team sa loob ng Bahay ni Kuya. Pinagpapares-pares niya ang mga housemates.
Sa ngayon, malaking pagkakataon ang PBB para mas makilala ng publiko si Cianne sa labas ng kanyang pagiging co-host ng IS.
Masusubaybayan ng mga viewers ang kanyang pakikitungo sa ibang housemates, pagharap sa mga pagsubok at pagpapakita ng tunay niyang personalidad sa loob ng Bahay ni Kuya.
Posible ring mabago ang pananaw ng ilang kritiko sa kanya habang tumatagal ang kanyang pananatili sa reality show.
Kasabay ng b-day ng misis…
JULIUS, IBINUKING ANG UGALI NI TINTIN
HINDI maitago ni Julius Babao ang pag-aalala sa asawang si Christine Bersola-Babao dahil sa nakagawian nitong unahin ang kapakanan ng ibang tao bago ang sariling kalusugan.
Ito ang isa sa mga bagay na binigyang-diin ng beteranong mamamahayag sa madamdaming birthday message niya para sa misis na nagdiwang ng kaarawan nitong Biyernes, Oktubre 30.
Sa Instagram (IG), nagbahagi si Julius ng mga larawan ng kanyang misis, kabilang ang ilan nilang sweet moments.
Mensahe ni Julius, “To my babe who always tries her best to lighten the load of people around her but sometimes forget to take care of her health.”
Nais ng TV5 journalist na huwag kalimutan ni Christine na pangalagaan ang sarili, lalo na ang kanyang kalusugan. Ipinagdasal din ni Julius na patuloy na gabayan at protektahan ng Diyos ang kanyang misis, pagkalooban ito ng mabuting kalusugan at matupad ang lahat ng birthday wishes nito.
Aniya, “I pray that God will always protect you, keep you healthy and make your birthday wishes come true. Love you Babe! [@christinebbabao] and Happy Birthday!”
Hindi naman nagpahuli si Christine sa pagpaparamdam ng pagmamahal sa kanyang mister.
Sa comment section, sweet itong sumagot at ipinahiwatig kung gaano siya naantig sa mensahe ni Julius.
“You know me so well. Love you,” tugon ni Christine.
Sa simpleng palitan ng mensahe, muling nasilayan ang matibay na samahan ng mag-asawa at kung gaano nila pinahahalagahan ang isa’t isa.





Comments