top of page
Search
BULGAR

Civil status ng same-sex partner na ikinasal abroad

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 5, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ako at ang aking same-sex partner ay parehong Pilipino at balak naming magpakasal sa Canada sa susunod na taon. Tanong ko lang kung ano ang magiging civil status namin dito sa Pilipinas pagkatapos ng kasal namin? Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang aking katanungan.  Salamat. — Nicolle


 

Dear Nicolle,


Ang Artikulo 26 ng Family Code of the Philippines ay tumatalakay sa bisa ng mga kasal na isinagawa sa labas ng Pilipinas. Ayon sa nasabing artikulo, ang mga kasal na ipinagdiriwang sa labas ng ating bansa ay may bisa rin dito sa ating bansa maliban sa mga nakasaad na exception:


ARTICLE 26. All marriages solemnized outside the Philippines, in accordance with the laws in force in the country where they were solemnized, and valid there as such, shall also be valid in this country, except those prohibited under Articles 35 (1), (4), (5) and (6), 36, 37 and 38.” 


Ibig sabihin nito, ang Pilipinas ay sumusunod sa prinsipyo ng lex loci celebrationis na may paggalang sa bisa ng mga kasal na ipinagdiriwang sa ibang bansa. Ang isang kasal na may bisa kung saan ito ay ipinagdiwang ay karaniwang kinikilala rin dito sa Pilipinas.


Gayunpaman, sinusunod ng Pilipinas ang prinsipyo ng nasyonalidad (lex nationalii) sa pagtukoy ng katayuan ng isang tao, Pilipino man o dayuhan. Ang Artikulo 15 ng New Civil Code of the Philippines ay nagsasaad na ang mga batas na may kaugnayan sa mga karapatan at tungkulin ng pamilya, o sa katayuan, kondisyon at legal na kapasidad ng mga tao ay may bisa sa mga mamamayan ng Pilipinas kahit na nakatira sa ibang bansa. Nakasaad sa nasabing artikulo ang mga sumusunod:


ARTICLE 15. Laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad.”


Maliwanag din na nakasaad sa Artikulo 1 ng Family Code of the Philippines na ang kasal ay sa pagitan ng babae at lalaki:


Article 1. Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.”


Samakatuwid, bagama’t maaaring kilalanin sa ating bansa ang kasal na isinagawa sa ibang bansa, alinsunod sa mga batas ng bansang iyon, ang batas na mananaig kaugnay ng karapatan at obligasyon ukol sa pamilya, at kalagayan o status ng isang Pilipino ay ang ating batas. Sumusunod at nakadikit ang mga batas na ito sa isang Pilipino, saan man siya magpunta.


Sa sitwasyon mo, kung ang kasal ay gaganapin sa ibang bansa sa pagitan mo at ng iyong same-sex partner, hindi ito kikilalanin sa ating bansa dahil walang umiiral na batas na nagpapahintulot sa same-sex marriage. Kaya, sa batas ng Pilipinas, ang inyong civil status ay mananatiling “single.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page