top of page

Christmas bonus at libreng legal aid, malaking tulong sa mga tanod

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Sep. 23, 2024



Boses by Ryan Sison

Dapat na ring mabigyan ng Christmas bonus at libreng legal aid ang ating mga barangay tanod. 


Ito ang isinusulong ngayon ng isang mambabatas na layong kilalanin ang ibinibigay na napakahalagang serbisyo ng mga barangay tanod para mapanatili ang peace and order sa ating mga komunidad.


Ang House Bill 10909 na inihain ni Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan ay magbibigay ng benepisyo, kabilang ang libreng legal assistance at insurance coverage para kanila.  


Sa ilalim ng naturang panukala, ang bawat kuwalipikadong tanod ay may karapatan sa Christmas bonus na katumbas ng hindi bababa sa kalahati ng natatanggap ng punong barangay, ayon sa mandato ng batas o ordinansa.


Bibigyan din ng prayoridad ang mga barangay tanod sa livelihood programs ng gobyerno o local government units (LGUs).


At para maging qualified sila sa mga karagdagang benepisyo, nakasaad sa panukalang batas na ito na ang tanod ay dapat na nag-render ng tuluy-tuloy na serbisyo nang hindi bababa sa isang taon sa parehong barangay. 


Gayundin, pinoprotektahan ng HB 10909 ang tenure ng mga barangay tanod, kung saan kapag naitalaga na ang mga ito ay hindi dapat tanggalin o i-terminate ang kanilang serbisyo maliban sa mga dahilan na nakapaloob sa barangay resolution na lumikha ng barangay tanod brigade.


Sinabi pa ni Yamsuan na ang Sangguniang Barangay naman ang magdedesisyon kung tatanggalin ang isang tanod kung may sapat na basehan.


Ayon sa mambabatas, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga tanod na nagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bawat barangay.


Iginiit din niya na dahil sa kanilang trabaho ay lantad sila sa mga kriminal habang nalalagay na ang kanilang buhay sa panganib.


Marahil, tama lang ang itinutulak na panukalang batas na makabubuti naman para sa ating mga barangay tanod.


Halos hindi kasi natin napapansin ang ginagawa nilang paglilingkod sa kanilang mga kabarangay at pagpapanatiling ligtas ng ating mga tahanan, partikular na sa gabi kung kailan nagpapahinga na ang karamihan.


Ang mga miyembro kasi ng barangay tanod brigades ay itinuturing na public safety officers sa ating mga komunidad. 


Kaya naman nararapat na mabigyan natin sila ng ganitong klase ng benepisyo at proteksyon sa posibleng banta na kanilang kakaharapin, na nakapaloob din naman sa nasabing bill.


At sakaling maging ganap na batas na ito, tiyak tayong mas sisipagin pa sa trabaho at pagbabantay ang ating mga barangay tanod.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page