Child trafficking sa ‘Pinas lumalala, iligtas sa kamay ng mga sindikato
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 28, 2026

Nakakalungkot isipin na sa panahong abot-kamay na ang teknolohiya at mas maingay ang panawagan para sa karapatan ng mga bata, may mga sindikato pa ring patuloy na ginagawang kalakal ang mga sanggol.
Muling nagbabala ang National Authority for Child Care (NACC) laban sa pagbebenta ng bata at ilegal na pag-aampon—isang krimeng hindi lamang paglabag sa batas kundi tuwirang pagyurak sa dangal at kinabukasan ng kabataan.
Ayon sa NACC, ang sinumang indibidwal o grupong mapapatunayang sangkot sa pagbebenta ng bata ay haharap sa mabigat na parusa at posibleng pagkakakulong. Hindi rin ligtas sa pananagutan ang mga ilegal na mag-aampon. May malinaw at legal na proseso sa pag-aampon na isinasagawa lamang sa pamamagitan ng NACC o ng mga Regional Alternative Child Care Office (RACCO). Ang mga hakbang na ito ay hindi para pahirapan ang publiko, kundi upang matiyak ang kaligtasan, karapatan, at kapakanan ng bata.
Mas lalong nakakabahala ang isiniwalat ng NACC hinggil sa bagong gimik ng mga sindikato—ang pagbebenta ng sanggol online na ikinukubli bilang bentahan ng aso. Ayon sa ahensya, aktibong mino-monitor ng NACC at ng Philippine National Police (PNP) ang social media, partikular ang Facebook, kung saan ginagamit ang ganitong paraan upang ilihis ang atensyon ng mga awtoridad. Kapag umusad na ang transaksyon, doon lamang napag-aalamang sanggol pala ang ipinagbebenta.
Dahil dito, pinaigting ang surveillance upang masawata ang online baby-selling. Ang pag-aalok o pagbebenta ng bata ay maituturing na child trafficking o ilegal na pag-aampon, na may parusang mula anim na taong pagkakakulong hanggang habambuhay.
Sa pakikipagtulungan ng PNP Women and Children Protection Center, patuloy ang pagtutok ng NACC sa pagsasara ng mga online platform na ginagamit sa ganitong ilegal na gawain.
Hindi sapat ang panawagan lamang—kailangan ang matinding aksyon. Bilang mga nakatatanda, may tungkulin tayong igalang at ipagtanggol ang karapatan ng bawat bata. Ang laban kontra ilegal na pag-aampon at pagbebenta ng bata ay hindi lamang laban ng gobyerno, kundi laban ng bawat magulang at mamamayan.
Ang pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad ay isang konkretong paraan ng pakikilahok. Sa pagiging mapagmatyag at handang makialam, mas napapalapit tayo sa isang lipunang tunay na nagmamahal at nagpoprotekta sa mga bata—hindi bilang produkto, kundi bilang kinabukasan ng bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments